Wednesday, October 19, 2011
rumagasa,tumiklop, at naglaho-at nagsimula
Hindi ba't mainam ang magsimula nang maayos sa anumang bagay? Ang unang pahina sa libro kaaya aya, kainda indayog na intro ng kanta, nakakalibang na preparatory school, matamis na unang pag ibig. Masyado sigurong mahalaga ang pagsisimula sa mga tulad ko. Siguro dahil ang pananamlay ay bihira dumapo sa simula, at ang kabiguan madalas matagpuan sa pagtatapos. Magkagayon man, rumagasa man ang ekspektasyon at pangarap sa simula, pag hindi matustusan ay titiklop, titigil, maglalaho magsasara, mawawala ang anumang sinimulan. Kaya maigi na rin ang payak na simulang magtutuloy tuloy sa pagpupursigi anuman ang rutang tahakin mula sa simula hanggang sa ka huli hulihan. Gaya ng bahura sa gitna ng blangkong papel, malawak pa ang karagatan, at ang dalampasigan ay isa pang malayong paglalakabay, at ang bahura'y kapiraso lamang. Ang mahalaga ay may nais baklayin gaano man kababaw o kalalim. Sagwan ko ang keyboard,dalampasigan ko ay kayo.
Subscribe to:
Posts (Atom)