NOTA: Una ko na itong pinablish sa aking blog sa wordpress- remninzaitsev.wordpress.com. May idinagdag lang ako ng tungkol kay Gat. Andres Bonifacio.
Gintong maituturing ang nobelang Ang Ginto Sa Makiling; isinulat sa wikang Pilipino at isinaysay ng may pambihirang kahusayan. Gaya ng nasabi ni Soledad Reyes sa introduksyon para sa buong libro, ang manunulat ay kinatatangian ng matimyas at matalinong paglikha. Higit sa pagiging matimyas ang pagiging matalino ng pagkalikha sa akda na naisulat noong taong 1947 ni Macario Pineda. Bagamat ang pamagat ay bumabanggit sa mahiwagang bundok at may elemento ng alamat ni Maria Makiling; umiinog ang istorya sa pag-iibigan ng dalawang magkababaryo na si Sanang at Edong na sa proseso ay lumikha ng alamat sa alamat, at sumuri sa tao sa harap ng di inaasahang karangyaan, sa harap ng walang katiyakang pangako.
Nagsimula ang kwento sa pagtatakda sa isang mamahayag na alamin ang pagkawala ng isang matandang dalaga sa paraang di maipaliwanag. Ang naatasan ay matagal nang nadinig ang kwento na itinuturing palang isang kwento ng pag-ibig sa lugar. Agad nitong pinuntahan ang tiyuhin na si Doro na nakasaksi sa kaganapan na ito mula pa nang pagkabata.
Si Edong ay isang binatang umiibig sa dalagang si Sanang nang habang nangunguha ng bulaklak na Dapong sa isang napakarikit na hampas ay nakapinsala sa pugad ng ibon. Sa kagandahang loob ni Edong at pagnanais sagipin ang inakay na nawalay, ay nahulog ito sa mataas na bangin. Hinanap ng mga kasamahan nito si Edong o ang bangkay nito, ngunit wala silang nakuha at pinagpalagay nang patay ito. Nagdulot ito ng labis na kalungkutan kay Sanang. Sa ikalawang linggo ng pagluluksa ni Sanang na kinasaksihan ng buong baryo, sa unang pagkakataon ay nagpasya siya muling lumabas ng tahanan. Bigla sa araw ding iyon lumitaw si Edong, maayos ang kalagayan liban sa kaunting pag ika- ika ng paglakad. Ito ay ikinagulat ng lahat maging ni Sanang.
Dito pinagtapat ni Edong kay Sanang ang pangyayaring sumagip sa buhay nito at babago sa kanilang buhay. Kinailangang bumalik ni Edong sa Makiling at sa pagkakataong ito ay isinama nya ang musmos na si Doro sa mahiwagang bayan na tanging musmos lang at mga karapat dapat ang makatutuntong. Dito nananahan si Maria Makiling kasama ang iba pang kinapal na nakaambag sa kabutihan ng lahi. Ito'y mundong di nalalayo sa panahong iyon liban sa ang mga suliraning binubunga ng kasakiman ng tao ay di umiiral. Dito na mananahan si Edong na kung tutuusin ay kinuha na ng kamatayan ngunit dahil sa kagandahang loob ay nabigyan ng pagkakataong mabuhay muli sa mahiwagang bayang ito. Dito pumapasok ang suliranin ng kwento pagkat ang hinahayaan lang mamuhay dito ay ang piniling ilan at natapos na ang buhay sa natural na mundo. Gaano man kamahal ni Edong si Sanang at gaano man ang kabutihan nito ay di maaaring manahan sa bayan ng Makiling, liban sa kung malalampasam nito ang pagsubok na itinakda ni Maria Makiling.
Bumalik si Edong at Doro dala ang regalo nila Maria Makiling at ng isa pang mahiwagang babae na si Urduha para kay Sanang, regalong babago sa buhay di lamang ng buhay ni Sanang kundi kasabay ng pamilya nito(isang bayong ng ginto). Dito nasubok ang katatagan at karupukan ng mga tauhan sa kwento, naglitawan ang mga suliraning hindi gumambala noong payak pa ang pamumuhay ng pamilya. Mula rin nito ay di na makikita ni Sanang ang kasintahan hanggang malampasan ang pagsubok na itinakda.
Matimyas at matalinong pagkukwento, nanamnamin ang bawat pahina mula simula hanggang katapusan. Binuhay ng manunulat ang mga salitang luma o marahil madalas lang magamit ng mga tiga-Malolos, subalit sa kabila nito ay madulas parin at nakawiwiling basahin ang pagsasalimbayan ng mga letra ng salitang pamilyar at hindi. Malinaw, tila makatotohanan, kasabay ng malapanaginip na kagandahan ang pagsasalarawan. Ang mga dayalogo nga ay tila magbabalik sa iyo sa pagsisimula noong ika-20 siglo. Tunay na nakalilibang basahin.
Ang mga karakter ay mga taong baryo, naglalarawan sa masa nang panahong iyon. Bagamat hirap at kagagaling palang sa digmaan ang kalagayan ng masang magsasaka noong panahong inilalarawan sa kwento, ay di naman siguro masama na hindi ito ang binigyang diin ng paglalarawan ng awtor. Hindi rin masasabing anti-masa ang ganitong pagsasalarawan dahil mahusay na pinakita ng may akda ang karakter, kasiyahan, kabutihan at pagdadamayan ng mga magsasakang gumaganap sa kwento. Bagamat naipakita rin ang kasakiman ng ilang karakter na magsasaka din ay di naman para kutyain ang uri ngunit sa punto de bistang pagsusuring sikolohikal at sosyolohikal ng dalawang landas na pwedeng tunguhin sa harap ng di inaasahang pagbuti ng kabuhayan. Ang kasakimang tulad ng kalawang sa asero, sisira sa mga relasyong tinatangi at nirerespeto at kalaunan ay kakain sa sarili. Sa kabilang banda ay ang katatagan ng pananatiling payak ng kalooban, ay nagpapalakas ng tiwala, damayan at determinasyon di lang ng indibidwal kundi maging ng kapwa/komunidad na nakasasaksi. Bagamat maaaring sabihing kalabisan at/o di- makatotohanan ang inilalarawang idealistang konsepto ng pagmamahalang ipinakita ni Sanang at Edong ay nabigyang katarungan ng may akda sa paraan ng malikhaing paglalarawan ang ganitong ganap na pagmamahal na di rin naman imposible, madalang nga lamang tulad ng ginto. Malinaw ang pagkiling ng kwento sa masa ng sambayanan, at sa isang antas ng panlipunang pagbabago subalit kapos sa tunggalian ng mga uri sa lipunan ang akda.
Nakatutwa din ang talasatasang naganap sa pagitan ni Edong at isang lalaking nagtatahan din sa mahiwagang bayan na iyon. Lubos at matalino nitong pinaliwanag kay Edong ang mga kaganapan sa mga tulad nila. Sa wari ko'y ang bayaning sinsamba ng ilan sa ilang bahagi ng Sierra Madre ang di pinangalanang kausap ni Edong, si Gat Jose Rizal. Malaon nang napagalaman na di na mahanap ang bangkay ni Gat. Andres Bonifacio; siya kaya'y nasagip din ni Maria Makiling at nananahan din sa bundok nito?
Maging ang pagdamay ng mga kaibigan ni Edong kay Sanang sa harap ng mapanlinlang na binata ay nakatutuwa at sa sarili'y nasabi- meron na palang ganun nung panahon?! Maging ang mga menor na karakter ay litaw ang ambag sa kabuuan ng istorya.
Ang paglikha ng nobela ng alamat sa alamat ay nakalilibang isipin. Sinasabi ng may akda na sa mahiwagang bayan sa Makiling sinasala at tinitipon ang mga pinaka-kakang-gata ng lahi, handang muling makipamuhay sa atin sa pananhon ng mahigpit na pangangailangan. Kung gayon, at ipagpalagay na totoo ang alamat, mayroon at sinu-sino kaya ang bumaba at nakipamuhay mula sa mahiwagang bayan ng Makiling nang panahon ng ikalawang digma, ng diktadurang Marcos at kasalukuyan? At kung iisipin nga, may pagkakahawig sa realidad ng kasalukuyang panahon ang alamat na ito. May ilan sa atin na mula sa iba't ibang sulok ng Pilipinas, mula sa iba't ibang uri ng lipunan ang nagsisitungo di lamang sa Bundok ng Makiling kundi maging sa iba pang sulok ng kanayunan upang makipamuhay at makibaka kasama ang masang magsasaka sa pagsusulong ng digmang agraryo, at sa tamang panahon ay parang along susulong at babago sa buong lipunang Pilipino.
Ayon kay Soledad S. Reyes, si Macario Pineda ay unang nakilala bilang manunulat sa wikang Ingles. Ang ama nito ay isang makata sa Bulakan. May asawa at pitong anak na kanyang pinagsumikapan buhayin ng marangal sa pagtatrabaho bilang kawani at sa pagsusulat. Maraming nailathalang gawa ni Macario Pineda sa mga magasin at libro nang panahong iyon. Sa pagbabawal sa wikang ingles nang panahon ng pananakop ng Hapon at ang paglahok sa mga gerilya nang Ikalawang Digmang Pandaigdig nagsimulang magsulat sa wikang Pilipino si Macario Pineda, at nagbunga ito ng mga kapuri- puring mga gawa. Kinatangian ng matalino at ma-estilong paggamit ng bago man o lumang salita nang panahong iyon. Isang yaman maging sa panahon ng e-books ang mga akda ni Macario Pineda. Nakakalungkot nga lamang na tanging ang libro lang nito na Ang Ginto sa Makiling at Ibang mga Kwento ang nahagilap ko sa ngayon. Tunay ngang ginto na kailangang minahin.