Sunday, April 22, 2012

Di Nagmamaliw Ang Apoy (Sa Tabing ng Gubat... )


Masarap makalanghap ng preskong hanging umiinog sa mga bukid, parang, kagubatan, kabundukan at tabing dagat. Ito na ang bagong industriya sa Pilipinas- ang Turismo. Madalas ikasiya ang pagpunta sa mga sikat na tourist spot. Di magmaliw sa pagkuha ng litratong gamit ang kung ano mang hi-tech camera. Di mapigilang ikwento sa kaibigan, ilathala, at ipakita sa mundo gamit ang mga social networking sites.  Sa Pilipinas nariyan ang Boracay, Puerto Galera, Pagudpud; o sa mas may pera ay Hongkong, Thailand, Paris, New York, Italy, Tokyo; o isang cruise. Gaano man kamangha-mangha ang mga ito, di ito ang tutuhog  at pipigil-hininga na lugar na nais kong marating o balikan. Kasing sigurado ng pagsikat ng araw sa umaga na di ito nakalista sa mga talaan ng Departamento ng Turismo. Ang pook na binabanggit ko ay di masususkat sa mala-paraisong puting buhangin sa tabing dagat, wala sa kalidad ng ilog, mga pasilidad at  magarang hotel, at mga sikat sa lipunan na makikita. Walang mga turistang kasabay sa biyahe. Maraming kubo pero walang aircon o electric fan man sa loob. Ito ay di naiiba sa laksa-laksang baryo sa atin; hirap at walang pag-unlad na tila napabayan ng panahon at ng mundo. Komunidad na walang kaparis ang mga nagtatahan, sa kasimplehan ay busilak at totoo ang pagkatao, araw-araw nagbabanat ng buto nang mairaos sa gutom ang pamilya. Masayahin, may simpleng pangarap ngunit  madalas pambihira ang hirap, at makapagpapaluha sa mga tala ang kwento ng buhay; binabagabag ng gulong likha ng di-pangkaraniwang yaman ng ilan.

Hindi ko maitago ang saya habang patungo sa looban ng bayang madalas paglagian sa loob ng halos onseng  taon. Dito sa loobang ito una akong nakapasok at nakaugnay sa masang moog. Ito rin ang huling lugar bago lisanin ang buhay na makasaysayan at lipos ng kabuluhan at turo ng buhay. Bakit nga ba nilisan ang ganitong buhay na hinahanap-hanap at binabalikan sa aking katulugan o pananaginip. Mahaba, at maraming rason pero di ito ang nais kong paksain sa ngayon.

Kay bagal magpaandar ng drayber, sa wari ko’y pagka ganitong nasasabik ka sa pupuntahan. Pati ang pagtigil namin bago sumakay ng dyip para bumili ng miryenda ay makapang-uuyam o naka-iinis. Nasasabik na nga ako, at di ito matago sa aking mukha. Isa pang dyip sa bayan at dalawa pang pasahero bago makalarga. Hindi naman ito katagalan at pumapabor pa nga pag nagpapalipas ng oras ngunit isang suhetibong bagay ang oras at paghihintay.

Ah ang sentrong bayan na noon ay nagmamadaling dina-daanan lang. Para bang may iniiwasang makita o makakita. Subalit ngayon,  may bitbit pang kamera;  kinukunan lahat ng naisin ng walang takot na pag-initan o damputin.  At kahit maglaro pa ng basketball o chess sa plaza nito ay wala na sa akin. Bagamat madalas madali ang pagdaan dito, tila naman walang pinagkaiba sa aking pagkatanda liban sa pagluma ng mga edipisyo at munisipyong tanging bago. Kahalintulad nito ang magarang mansyon noong panahon ng rebolusyon nila Bonifacio. Tignan mo lang ang lumang limang pisong papel at makikita mo ang pagkakahawig. Nandoon din ang Savemore, LCC, at iba pang tindahang madalas ko lang marinig, ngunit suki ako nito.  Dito kasi madalas bilhin ang mga suplay namin mula ulo hanggang paa. Kumain kami ng aking asawang si Sandra sa palengke at nakita pa ang dati naming kasambahay na si Jolina. Naging kasamabahay namin mula nang kami’y magdesisyong mamalagi sa siyudad(hindi madisposisyon sa siyudad). May pwesto na pala siya dito na kung tawagin sa Maynila ay tiyangge. Sari-saring paninda tulad ng t-shirt, pantalon, mga damit pangbabae, panyo, bandana at iba pa. Nakakatuwa na muling makita ang kaibigan na maayos ang kalagayan. Una akong nakakita at tumawag sa kanya; mabuti’t  agad naman kami nakilala. Kaunting kamustahan lang at agad pagkatapos kumain ay bumili na kami ni misis ng cake at tinapay para sa may birthday. Muli na kami naglakad patungo sa kabundukan.  Kay daming pamilyar na mukha  at dahil na rin sa katagalan ng panahon mula ng huling masampot o magawi sa bayang it ay minabuti ko munang huwag sila batiin. Pagdating sa tambakan ng motorsiklo na biyaheng pa-Kabundukan, ay agad kong nilapitan ang isang taong sa pagkaalala ko’y ang pangalan ay Tom. Nakaupo siya sa isang motor habang subo ang sigarilyong pula. Tinanong ko agad kung dito ba ang parada ng papuntang Kabundukan.  Agad siyang sumagot  na di na siya bumibyahe, na tila ako’y natatandaang  suking pasahero ng mga nakaraan, at itinuro ako sa ibang para-motor. Tinitignan ko ang mata nito kung makikilala ako pero wala naman akong balak magpamidbid o magpakilala. Tig-isa kami ng motor ni Sandra.  Bukod kasi sa mas kumportable, ay dalawa pang drayber ang kikita kumpara kung nag-angkas lang kami sa isa. Lumarga na kami suot ang mga ngiti sa mukha. Ginawa rin naming ang ganito nang kami’y tumungo sa Compostela ngunit ako ngayon ang mas sabik at malaki ang tawa sa mukha.

Wala ata akong napansing mga pagbabago liban sa ilang metro ng semento sa daan na ka-sukat lang ang lapad para sa motorsiklo. Dito rin sa daang ito una akong pumasok , at sa pagkatanda ko ay wala pang kahit kaunting semento ang daan noon, pero halos  20 taon nang nakalipas ang nabanggit kong pagdaan. Niyog, talahiban, puno ng niyog, mahogany, langka, gumyan, dapdap,kawayan, at iba pang punong durable at hindi, nagbubunga ng prutas at hindi. Tanim na mais, ampalaya, talong,may ilang mane, at iba pang cash crop. Semento, lubak, putik, lubak-lubak, putik, tulay, semento, at ni di-pa-ako-nakabilang-ng-sampu ay muli, lubak ng lupang kailanman di naibabawan ng semento.Ganitong ganito ang itsura nito nang aming iwan(dito din kasi kami huling dumaan bago mamuhay sa siyudad), at di ko alam kung matutuwa ba ako o malulungkot.Isang kumplikadong emosyon na pinagbuhol-buhol ng tuwa ng kapungawan, at kalungkutan ng kawalan ng pag-unlad ng kalagayan.  At papunta pa lang kami. Habang nalilibang ako sa tanawin at hangin ng Mayo na humahampas sa mukha ko,  at habang lumalalim papasok sa bulu-bunduking lugar ay humahalo ang kaba sa di masabing kalagayan ngayon ng lugar. Oo nga at umalis kami dito na lahat ay kaibigan at matitiwalaan; ngunit ilang taon na nga bang lumipas? Nakasalubong  na naman ako ng tiyak na pamilyar na mukha. Madalas kaming makituloy kay Mang Idro na relatibong maganda at malaki ang bahay kung ikukumpara sa mga kabaryo nito. Ilan din sa mga taga-baryo na ang mga anak ay sa bayan nag-aaral ng haiskul. Napakaganda rin ng lokasyon ng bahay ni Mang Idro na matatagpuan sa talampas, at wala pang 20-metros ay ang bukal na pinag-iigiban ng tubig ng halos buong sityo. Kumbinasyon ng durableng kahoy at kawayan ang pagkayari sabahay nito, may terasa sa silangang bahagi, at higit sa lahat napapaligiran ng punong nagbubunga ng iba’t ibang matatamis at maaasim na prutas na di mo mapapalamapas daanan lalu’t pag buwan ng Agosto. Tahimik at di pala-imik ngunit maaasahan sa gawain,maaasahan ng kapwa.  Alam kong nakilala nya pa ako batay sa kanyang titig nang kami’y mapadaan; pero tulad ko, ay nagpasyang hindi makipagbatian o umiling man lang. Maingat ang drayber ng motor ngunit barumbado ang daan. Laking pasasalamat ko nalang at hindi gaanong nag-uuulan. Tag-init pa sa ngayon, paano pa kaya pagsapit ng Hunyo?

Bumaba kami  sa sentrong baryo. Nauna ang sinasakyan kong motorsiklo at sumunod na rin ang ang kay Sandra. Nasabi ko agad sa sarili na hindi ako malalagalag;tila walang naiba, o mayor na nabago sa lugar.  Dito ang ermita na madalas tulugan ng mga pasaway na PC,  sa tapat nito ay ang daan patungo kay Tang Pinon- isa sa pinakamarangal na magbubukid na nakilala ko, sa taas nito ay ang bahay ng dating tresorero. Ngunit ang malaking bahay na may silong na sing-taas ng tao at may tindahan sa tabi ng ermita ay wala na. Noon,  isa ito sa ilang  bahay na gawa sa malalaking tablon ng kahoy. Nagpatayo na raw ng bahay  doon sa bayan makatapos ang bagyo.  


             
Agad akong sinalubong ng binatang si Aying. Maliit pa siya nang huli kong makita ngunit ngayon ay matangkad pa sa akin. Nakangiting naglalakad at nagsabing “kaninang umaga pa po ako dito, nanood na rin ako ng gradwesyon ng elementarya”. “Salamat Aying sa paghintay, pasensiya na” agad na sagot ni Sandra. “Ang lakas kasi ng ulan sa pinang-galingan namin kaya ngayon lang nakarating”. “Akin na po ang bitbit niyong bag.”  “Sige okey lang kami, di naman mabigat.”  Pero mapilit si Aying na parang sinasabi sa kilos na ang tagal ko naghintay, pabitbit ninyo man lang ang back pack nyo.  “Hala sige, eto na nga. Salamat.”  Naglakad kami sa daang inabot ng bulldozer, paliit ng paliiit hanggang naging daang-daanan-ng-pababa-at-kalabaw. At sa makailang liko ay bigla kaming sumuki sa maliiit na daanang-pang-tao. Mataas na ang araw at patarik na ng patarik ang aming binabagtas ngunit maliksi pa sa musang si Aying at pahirap na ng pahirap ang pagi-agapay dito. Habang naglalakad ay tila di ramdam ang pagod at tuloy-tuloy  pa ang kwento nito sa mga nakalipas nang kaganapan sa baryo. At dito na sa sinukiang daan nagsimula ang kalbaryo ng katawan namin ni Sandra; mga katawang di na angkop sa plastada ng kalupaan dito; mga katawang  namihasa na sa siyudad. Siguro nang huli kaming madaan dito ay kalahati lang ng kasalukuyan ang kanyang  timbang. Maliksi siya noon maglakad, at talagang naiiba sa mga babaeng laki at nag-aral sa lungsod na noon ay madalas makibisita at makisalamuha. Hanga ang marami, masa man o mga katrabaho sa tibay nitong makisalamuha at makipagsabayan sa mga gawain. Siya nga raw ay hindi “alagain” o babaeng kailangan pang alalayan o gabayan ng husto;  nabanggit noon ng isang katrabaho’ng beterano na sa pagkilos at nakamasid ng maraming kasamahan. Umulan din dito siguro kaninang umaga subalit di di kasinlakas ng ulan sa aming pinang-galingan. Hindi  malapot at madikit kung magputik ang lupa dito, pero pasalamat parin kami at pareho kaming naka sneakers dahil matagal na rin di napapasabak sa lakaran at malayo na rin ang pangangatawan namin sa dati. Nagsilbi na ngang tungkod niya ang payong na baon. Isa, dalawa, sampu, beinte, trenta singkwentang hakbang, pahinga. Ako man ay nakararamdam na rin ng hapo’ng kahit sa mga gym o orbitrac ay di ko na nararanasan. Gayunpaman,  masarap ang pagkahapo bunga ng pag-akyat sa bundok. Preskong hanging nalalanghap,  awitng makukulay na ibon, tanawing luntian ng mga puno’t, halaman, talahiban, at baging di maikukumpara sa lungsod. Mapanghamon na rin sa akin ang plastada ng lupa gaya ng  tarik ng mga daan  at ako nga ay napaisip at napatanong na “araw-araw ko ito nilalakad dati?!” at  “paano ko ba ito nakayanan noon?” . Palibhasa’y nasanay nang muli sa buhay siyudad, sa isang palapag na tirahang na wala nang dapat akyatin. Mapunta man sa mga lugar na kailangang panikin ng hagdan man lang ay  mag- e-escalator o elevator pa.  At magbabayad ng napakamahal sa duktor o sa matatawag na albularyo sa lungsod(o pekeng duktor), o di kaya’y mga slimming pills madalas mula sa Tsina para lang pumayat at umiwas sa mga sakit na kaakibat ng pamumuo ng taba sa katawan.  Isa, dalawa, sampu,  beinteng hakbang, pahinga.  Papalapit na kami at sa sunod na pag-ahon ay may dalawang bahay na gawa sa kawayan, ilang retaso ng niyog at bubong na yari sa dahon ng anahaw na karaniwan sa parteng ito ng bansa. May nakasalubong akong bata, sa aking pagkawari ay ka-edad lang ng nonoy ko. Pero may sukbit na siyang itak at  may guyod-guyod na kalabaw. Dali-dali kong binunot sa baywang ko ang digicam para litratuhan ito. Malugod man siyang nagpakuha ng litrato at nag-pose pa. Balak kong ipakita sa anak ko, ipakita ang katotohanang magkasalunghat, ng mga bata sa nayon at sa siyudad lalu na ng mga batang kamag aral niya. Sa sunod na bahay, ay may nagkakasayahan at nagkakantahan pa nga. Ilang kalalakihan ang nakaupo sa teraso ng bahay at may isang tumawag sa amin “daan na muna kayo at kumain!” “Salamat!” “Makikiraan lang po.”  Muli’y may makikitang kakilala, isa sa mga lalaking nag-iinuman ay dating nakasama ko na sa pangangaso ng mga paniki, bugkon, at iba pang hayop sa gubat. Tanong ko kay Aying, “sino nga pala yung maputing lalaking madalas mangaso ng mga langgam sa gubat?” “Ah si Napoleon. Dinaanan natin kuya” “Oo nga.” “Kamusta na kaya ang mga yun?” tanong ko sa sarili.

Papalapit na sa bahay nila Aying, patarik na rin ng patarik ang daan. Isa, dalawa, sampu, at ang pagitan ng hakbang at pahinga ay paikli na ng paikli. Nagiging mabato na rin at dumidilim ang daan.  Pasukal ng pasukal,  pakapal ng pakapal ang kakahuyan at talahiban, dumadalang na rin ang bahay na nadadaanan. Nagtatagaktak na ng husto ang pawis sa aming ulo, at basang basa na rin ang aming mga pang itaas. Kailangang itago muna ang camera sa pouch bag. Paglalakad na muna ang aasikasuhin. Isa pang bahay ang aming nadaanan ngunit wala nang tao dito. Mag li-limang taon na raw na walang tumatao dito. Patay na raw ang babaeng may-bahay, at ang lalaki ay sa mga anak na sa Maynila nakikituloy. Tanging isang kalabaw na lamang na pinapastol sa kapal ng damuhang tumubo sa hardin ang naroon. Isa, dalawa, lima, pahinga. Hingal, hangos, pahid ng panyo sa mukha at katawan. Kayang kaya pa ng isip pero ang tuhod nagpaparamdam na ng kapagalan. Bigla kong naalala bukod nga pala sa nagbuhay siyudad kami ay ilang taon na rin ang tinanda ng aming katawan. Hindi na kami mga bata.

Ilang metro na lang mula sa tuktok ng bundok ay sinalubong kami ni Manong at binitbit ang natitira pa naming dala. Nagkamustahan ng madali para ipagpatuloy sa bahay ang mas mahabang kamustahan. Pansin niya ang hapong kahalintulad ng sa mga taong unang beses makarating sa lugar. Ang sarap makaabot sa  tuktok ng taludtod ng mga bundok at burol. Kitang kita ko ang dinaanan namin, ang mga kabisera ng bayan.  Ang kapatagan, at ang bulkang Mayon: tila nagsusumigaw sa kadakilaan, nanunuyo ang banayad na kurtada at kagandahan mula sa bista ng aking kinatatayuan. Ng mga nakaraang taon ay tinatanaw ko lang ang nais kong balikang lugar sa bus, tahimik na naghahangad, tinutulog na lang ang pangarap abutin;  ngayon ay narito na ako sa mismong bundok na pinagmamasdan mula sa hi-way! Para akong bumalik sa panahon nung ako’y disiotso anyos pa lang. Ah ang tanawin mula sa tuktok, pumapawi sa anumang pagod tulad ng malinis na tubig sa batis na dumadampi sa natuyong lalamunan. Kaya parang  alon na nagsalimbayan at banayad na umalon sa aking isipan ang magagandang gunitang pinamalas sa akin ng lugar.

Ilan pang banayad na lakad-pababa na lang at alam kong may aabutan akong bahay na may tindahan, gawa sa semento ang ibabang bahagi, at pusog ang mga haligi. Kilala ko ang buong pamilya ng nakatira doon. Ang pamilya ni Tang Meno, tahimik, masipag, at maaasahan ng kapwa. Nagulat na lang ako nang makita ko ang bahay na sira-sira na, isang larawan ng binagyong kalagayan. Kung ihahambing  sa mga bahay na nauna kong dinaanan ay hindi ako magtataka dahil bukas na bukas ang lugar sa hambalos ng hangin mula silangan. Pero ang pagkakapwesto ng mga bundok dito ay parang kawa na pumapalibot sa kapantayan sa tuktuk ng mga bundok at ang bahay ni Tang Meno ay maliligtas sana ng mga pormasyon ng burol na pumapalibot dito. Ilang metro lang ay isang bahay na gawa sa retaso ng niyog, kawayan at bubong na dahon ng anahaw. Ito na ang bahay ng pamilya ni Mang Meno. Sa harap nito ay isa pang bahay na ganun din ang pagkayari ngunit mas maliit. Dito nakatira ang anak ni Mang Meno na si Jong. Si Jong na di pa marunong magpunas ng sipon sa ilong nang umalis kami, ngayon ay haligi na rin ng kanyang sariling pamilya na binubuo ng kanyang asawa at isang lalaking anak. May ilang bata ang sumilip,  at isang dalagita ang sumabay kay Aying. “Si Mey?” tanong ko kay Aying. “Hindi, nagtatrabaho na sa Maynila si Mey, mas matangkad dyan,” tugon ni Aying. “Si Jenny yan” dugtong ni Aying. “Bisa po Kuya Rico”, pag-abot ni Jenny sa kamay ko. Ah si Jenny na maliit pero napakasiglang bata noon, madaling lalapit at makikipag-usap kahit sa mga di kakilala o kakikita pa lang. Ngunit ngayo’y tila mailap pa sa usa, kabaligtaran ng noon;  dalaga na kasi kaya napakamahiyain. Ang mga dalaga nga naman sa nayon, agad na magtatago sa kwarto o kung saan man pwede na tila hiyang hiyang magpakita sa dahilang hanggang ngayon ay di ko alam.

Bago pa man umabot sa bakuran nila Manay ay mainit na kaming sinalubong ng kamustahan at tawanan. Agad  nilang napansin ang pagtaba naming mag-asawa. “Napahingahan kasi,” pauna ni  Sandra  “napabayaan sa kusina.” Tugon naman ni Manay na kasabay ng lakas ng boses at tawa “sagana kasi sa pagkain.” “Kami dito pumapayat, laging kasing gulay.” “Uy healthy nga yun eh” banggit ni Sandra.  “Namimiss ko na nga kumain ng ano nga pala tawag dun sa bilog na tinapay na maraming palaman sa ibabaw?” “Pizza?” “Oo yung pitcha.” Tawanan uli. “Hindi bale at may iba naman kaming dala para sa kaarawan mo, masarap din.” tugon ni Sandra, “Cake! Happy birthday!” “Ow salamat, sa tanang buhay ko ngayon lang magbi-birthday na may keyk!” “Salamat.” “Walang anuman.” Agad naming pinatong ang aming mga gamit sa upuan sa balkon. Tila nagrereklamo at napapahiyaw ng matinis ang upuang yari sa kawayang  sinalsag sa tuwing inuupuan lalo pag nagkakasabay. Agad na naglabas ng pitsel at baso si Manoy.
Walang pinagbago ang itsura ng bahay nila Manoy liban sa lumiiit ito. Nawala ang isang tanging kwartong yari sa tabla. Lumiit ngunit malinis parin. “Halos pinalitan ko na itong mga dingding at bubong ng bahay pagkabagyo” banggit ni Manoy. Napupuspos na rin ang mga anahaw sa bubong, marahil ay sa katagalan na rin, at dahil din sa insekto.
Sila Manoy ay kaibigan namin noon pa, noong kami’y nagtatrabaho bilang NGO sa lugar na ito. Madalas na makikain, makisaing, at magpalipas ng init ng katanghalian. Minsan pagka ginagabi’y nakikitulog na rin. May kuryente na rin na madalas sa bumbilya lang ang gamit. Naaalala ko noong nakaraang limang taon siguro, inimbitahan naming si Manoy kasama si Aying sa Maynila.  Bata pa si Aying nun at libang na libang  siya sa mga kalsada sa Maynila dahil kung saan-saan daw lumilitaw, may sa taas, may sa illalim, at magkakapatong na daan,kalsada at hi-way(overpass,underpass, MRT at mga fly-over).  Sa pagbisita nilang yun ay ipinabaon na namin ang lumang TV pero maayos pa naman at hanggang ngayon nga’y napapakinabangan. Ngayon lang daw uli binuksan ang TV na may isang istasyon lang ang nasasagap, bulong ni Aying sa akin. May ilang alagang manok, at isang kalabaw na nakuha mula sa pag-alaga ng kalabaw na babae ng iba. Isang nakagawian at kalakaran sa lugar ay nagpapa-alaga  ng kalabaw man o baka na babae ang may sobra, at ang unang bunga nito ay sa nag-alaga, ang pangalawa naman ay sa may-ari at patuloy ang ganitong siklo hangga’t di pa binabawi ng may ari. Tanim nila ay mais, ilang makamote, at kapirasong lupa na may ilang puno ng niyog. Hindi sa kanila ang lupang tinitirakan ng bahay , maging ang tinataniman nila. Madalas pa rin maki luyo-luyo o bayanihan si Manoy sa pagtanim. Buo pa naman daw kahit paano ang munting kooperatiba ng mga magtatanim dito; hindi nga lang kasing sigla ng dati dahil sa takot  pag-initan ng mga PC. Simple at disimulado lang daw dapat ang pagkilos ng mga tao ngayon dahil may Makapili sa lugar.   

May apat na  anak ang mag-asawa, dalawang babae at ang pangalawa ay si Aying. Ang panganay sana ay lalaki di ngunit maagang namatay, ni wala pang isang taon.  Si Aying ay nakapag aral ng hanggang ikaapat na baytang. Bagama’t marunong na magsulat, magkwenta at magbasa, ay hirap parin ito sa ganitong  gawain. Dahil sa hirap ng buhay, at  maagang pagtulong sa ama sa gawain sa bukid ay di na nagpatuloy pa kahit man lang tapusin ang elementerya. Sabi niya nga’y magsusulat na lang siya sa lupa gamit ang araro at asarol. Si Mey ay nakatapos ng High School sa tulong ng tiyahin nito na OFW sa Honkong. Kasalukuyang namamasukang kasambahay sa Maynila.  Si Jennny na lang ang nag-aaral. Tuwing may pasok ay sa tiyuhin nyang nakatira malapit na sa sentrong bayan sya nakikituloy. Aabutin kasing dalawa hanggang tatlong oras pa ang paglalakad mula sa bahay hanggang sa paaralan. Habang bakasyon ay kasama sya ng kanyang nanay sa paglilinis ng bahay, ng bakuran, pagluto,  at maging sa pag asikaso sa mga hayupan at pananim.

Ang buhay dito ay tila natigil na ng ilang dekada kahit pa bago ko maabot ang lugar. Wala pa rin naikakabit na tubong magdadala ng tubig kahit man lang sa bawat kumpol ng kabahayan. Iniigib nila Manoy ang tubig sa bukal na ilan pang bundok ang layo. Madalas ay binibitbit ni Manoy ang dalawang malaking container na nakasukbit sa balikat gamit ang kawayan tulad ng sa magtataho. Bukod pa ito sa isinasakay sa kariton o pababa na hila ng kalabaw. Di biro ang ganitong kalagayan, lalu pa kung nagkataong may sanggol na araw-araw gagamit ng katsa bilang lampin pagkat wala naman gumagamit ng disposable diaper dito. Bukod pa ito sa normal na pangangilangan sa tubig para inumin at pang linis. Natanong ko rin kung kamusta ang presyo ng produkto nila. Agad na sagot ni Manoy na “mahina, katorse pesos(P14) ang kilo ng mais.” “Bakit, noong dito pa kami magkano nga pala?” “Disiotso pesos(P18). Imbis na tumaas lalo pang bumaba, eh ang pamasahe nga para mabenta ang produkto patuloy din ang pagtaas. Piso ang kada kilo, kaya kung may singkwenta kilo ka na mais na dadalhin sa negosyante sa bayan ay singkwenta pesos na agad ang mababawas. May resikada pa.” ” Eh pamasahe mo pa” tugon ko. “Ah di na Rico” tugon ni Manay. “”Pinapakidala na lang namin sa para-motor na kakilala.” “”Bihira na kami mag pa-bayan. Buti noong nakakapasok pa ang dyip ni Manding kahit hanggang sa Agus man lang.” kwento ni Manoy. “Oo nga, mas mura sana ang pamasahe pag sa dyip,” dugtong ni Manay.

“Saan na si Lian, ba’t di nyo sinama,” tanong ni Manoy. “Sumilip nga ako nang paakyat na kayo at kakargahin ko sana.” “Naku,, ang lakas ng ulan sa inalisan namin, mahihirapan yun dito, at ang taba na,” tugon ni Sandra. “Kahit ako, di ko na kayang kargahin yun pag nagsabing pagod na siya,” wika ni Rico. “Eto nga pala.” Nilabas ni Sandra ang tablet pc mula sa bag. “Eto binidyo ko si Lian, may sasabihin sa iyo Manay.” “Hello po, Kamusta po kayo lahat? Happy Birthda Tita!” “Naku, ang laki na ni Lian, manang mana sa ama.” “Ate Sandra, anong tawag dyan? Computer ba yan o cellphone na malaki?” tanong ni Jenny. “Tipo siya ng computer, tablet pc ang tawag sa kanya. Di mo na kailangan ng keyboard, puro sa screen na lang ang pag-operate.” “May mga internet shop na ba dito?” usisa ni Sandra. “Oo, sa sentrong bayan marami” sagot ni Manay.” “Ang meron lang dito cellphone at bidyu singko! Dyan kay Kapitan, kantahan lalu pag lasing na, hehe” dugtong ni Manoy. “Umiinom ka ba?” tanong ni Rico. “Hindi e.” “Mas okey yun, walang bisyo, kaso di ka rin naka kakanta ano?” dugtong ni Rico. “Naku yan si Manoy mo di mo mapainom o mapakanta dyan, ibibili nya na lang daw ng bigas ang pera. At ayaw din nyan dahil pag na lasing hindi na magigising ng maaga, pag nagkaganun sira na buong araw ni Manoy mo. Sanay yan na maaga magsimula ng trabaho.” “Umiinom naman ako kung minsan” sagot ni Manoy. “Diyata” pakutya ni Manay na habang tumatawa.

Nakailang i-phone at i-pod na ang inilabas, may i-pad pa. Digital at isang click na nga lang raw ang mundo. Pero dito, mangilan- ilang bidyu singko, at TV parin ang teknolohiya(at walang cable TV). Maswerte na nga at may ilan din nakabitan ng kuryente at nagkaroon ng cellphone. Madalas makitext  o makitawag ang mga kapitbahay kay Manay kung may nais iparating sa kamag-anak sa malayo. Minsan binabayaran na lang ang load. Nabigyan ni Mey, ang panganay ni Manay, ng celllphone ito ng huling umuwi ng nakaraang pyesta. Pero di na kailangang tumingin pa sa mga gadget na wala para makita ang abang-kalagayan. Maging ang pag tatanim ay napaka atrasado. Nabasa ko nga ang isang kwento ni Macario Pineda na binatay sa komunidad ng sakahan noong mga taong 1900-1910. Kalabaw, araro at asarol ang gamit, at mahigit isang daang taon na ang nakalipas ay kalabaw, araro, at asarol parin ang gamit dito. Pahina ng pahina ang bunga ng lupa dahil sa mga kemikal at lason na sinusubo ng mga kumpanya ng abono at pestisidyo tulad ng Monsanto sa mga magsasaka. Napag-iwanan na nga ng panahon, napabayaan na ng lipunan, ilang reporma sa lupa na ang nagdaan. Pinalala pa ito ng mga usurer at negosyante sa agrikultura. Bakit kaya nagagawan ng paraan ang maraming bagay na mahalaga sa negosyo ng kung sinong mayaman? Bakit pagka para sa komunidad ng mga magsasaka ay hindi magawan-gawan ng paraan, kahit pa sa isang siglong nakaraan? Ang daan, ang tubig, ang gamit sa sakahan, ang kabuhayan, ang eskwelahan, ang kalusugan, ang lupa? Batayang pangangailangan lang naman at hindi karuwagan o luho ang minimithi nila.

Nagpatuloy kami sa kwentuhan at kamustahan ng mga tao. Naikwento ni Manoy ang malungkot na pangyayari kay Tay Pinon. Tatlong taon na mula nang misteryosong pumanaw ang matanda. Umaga daw ng nasagasaan ng isang van sa isang rough road sa Barrio Pantas papuntang kabayanan. Nakakagulat ito sa nakakaalam ng lugar at kalagayan ng mga kalsada doon. “Mayroon bang kayang magpaandar ng mabilis sa ganung daan par makasagasa?” pabusal na himutok ni Manoy. “Mas malapit pa sa katotohanan ang matirikan ng sasakyan dahil sa putik at lubak ng kalsada.” Si Tay Pinon ay kilalang lider-magsasaka na masugid na nakibaka para sa pamamahagi ng lupa, ginagalang, maaasahan at mapagkakatiwalaan ng kapwa.

Nagmeryenda ang lahat pati ang kapitbahay ng cake, kapeng bigas at pansit na hinaluan ng labuyo. Uy, kay init sa bibig ngunit masarap. Pagka’t ang sili ang pangpaganang di ka papagsawain kahit purong langka lang ang gulayin araw-araw. Kulang sa dalawang oras na lang at palubog na ang araw ng kami’y magpaalam. Agad sinuksukan ni Manay ng isang plastik ng dinolseng pili. Nagpasalamat na kami dahil alam naming di pwedeng tumanggi.

Sa daan ay tumigil kami sandali kay Mang Ciano na tumawag sa amin nung papunta palang kami sa bahay nila Manoy. Ayaw pa sana kaming pauwiiin at ibibigay raw sa amin ni Sandra sa gabing yun ang kwarto nilang mag-asawa. Natuwa ako sa alok, ngunit nagpasalamat at nagsabing kailangan talagang makauwi at naghihintay na sa amin ang aming anak. Nakapagpapataba ng damdaming pinaalala pa niya ang pagtulong namin noon sa problema niya sa lupa na dahil doon, hanggang ngayo’y nakikinabang sila sa lupa. Limot ko na nga kung anong kaso ang tinutukoy niya pero sa taong natulungan ay habang buhay nakatatak sa puso ang pagtulong na yun.

Karamihan ng mga nakausap ko sa daan ay dating may bahay sa bandang tuktok pa ng bundok ngunit nagsipag bahay sa may sentrong barangay, kahit pa na ang lupang sinasaka nila ay sa may mga taludtod ng bundok matatagpuan. May nakapagsabi sa akin na nagsimula ang paglipat hindi pagkatapos ng bagyo kundi pagkatapos ng todo todong sakyada, at pang dadahas ng mga PC. Si Mang Leo nga na nasalubong pa namin sa daan habang bumibili ng gas para sa gasera. Hinanap daw niya kami noong mga panahong iyon dahil grabe na ang perwisyo ng mga oprasyon ng mga PC. “Walang sini-sino, kahit makita ka lang na bumibisita sa tanim ay rebelde na ang trato sa iyo. Kulata sa dibdib agad ang aabutin mo. Tatanungin ka pa kung bakit nagbahay sa bundok, eh nagpapatuloy daw sa mga rebelde. Sagot ko naman eh dito ang taniman ko. Kulata na naman, tadyak. Si Tatang Pinon ninyo, sinukluban ng plastic ang mukha hanggang di makahinga. Ayun iniwan na lang ang bangkay sa kalsada sa Baryo Pantas.” Wala akong nasabi, wala akong masabi. “Mag ingat na lang po palagi at wag maglalakad mag-isa lalu kung gabi” ang tanging natugon ko. Pakiramdam ko’y wala na ako sa katayuang makatulong at isang hamak na empleyado lang. Biglang kasing pumasok sa isipan ko na baka nag ko-calls ako noong mga panahong iyon, nakaupo sa di-aircon na opisina habang minumura ng mga kustomer na kano. Pinuproblema ko ang pag-habol sa komisyon at sweldo habang sila ay dinadahas, pinapatay ng mga pasista. Hindi ko maintindihan ang pakiramdam ko ng mga sandaling yun. Para bang napakawala kong pakialam, at walang saysay ng buhay. Maging ang bahat pala ni Tang Meno ay pwede pa sanang  tirahan pagkabagyo kung hindi winasak ng delubyong kung tawagin ay pasismo. Ilang linggo rin sa piitan si Mang Meno at ilan pang kabaryo. Wala lang talagang magawang ebidensya ang mga PC at dahil rin sa pangangalampag ng mga taong baryo, mga asawa, anak, at kapitbahay sa bawat upisina ng gubyerno, pulis at istasyon ng radio ay napalaya din nangwalang kaso matapos ang halos tatlong linggo. Salamat sa pagkakaisa ng komunidad.

Naging mas madali ang paglalakad pababa bagama’t dumidilim na ang daan. Alas sais pa lang pero halos wala nang tao maging sa sentrong baryo. Sa unahan pa nito ay may nag-aabang nang motor para ihatid kami sa kabayanan. “Hindi ko malilimutan ang lugar na ito, hindi ko makaalimutan lahat kayo” sabi ko kay Manoy. “Basta may pagkakataon ay babalik uli kami. Salamat.” Inabutan namin si Manong ng ilang daan. “Tanggapin mo na, matagal na naman bago tayo magkita; nakalimutan naming ibigay kay Manay, pa-bertdey.” “Salamat!” Magkahalong saya at lungkot ang naramdaman naming mag-asawa sa paglisan. Sa akin ay, sa wakas nabisita ko na uli ang matagal ko nang kina-katulugan. Bagamat wala akong nakitang dating katrabaho sa pag bisitang ito. Sampung taon din ang nakalipas, dala namin ay isang bag lang nang magpasyang mamalagi sa sentrong lungsod. Kay tagal ko rin dinaan-daanan, pinagmasdan, pinangarap lang ang kabundukang ito mula sa bus pa Maynila-Bikol. Ang dami kong tanong bago kami pumunta dito. Pinagpapalagay na mas maayos na ang buhay nila ngayon kumpara nang kami ay madalas pa pumaroon. Ngunit ito parin ay di naiiba sa laksa-laksang baryo sa atin; hirap at walang pag-unlad na tila napabayan ng panahon at ng mundo. Komunidad na walang kaparis ang mga nagtatahan, sa kasimplehan ay busilak at totoo ang pagkatao, araw-araw nagbabanat ng buto nang mairaos sa gutom ang pamilya. Masayahin, may simpleng pangarap ngunit  madalas pambihira ang hirap, at makapagpapaluha sa mga tala ang kwento ng buhay; binabagabag ng gulong likha ng di-pangkaraniwang yaman ng ilan, ng  ganid ng ilan. 

Akala ko ay maninibago ako, pero parang nawala lang ako ng ilang linggo.
Hindi pa rin nagmamaliw ang apoy sa paraiso. 

No comments:

Post a Comment