Friday, January 31, 2014

Kanlungan ng Pag-asa

 Note: First published in my wordpress blog renminzaitsev.wordpress.com
Dama ni Ka Sinag ang mga lumilipad na punglong tumutugis. Tila mainit at matalim na kapirasong hanging dumadaplis sa gilid ng kanyang binti at braso. Hindi lang pala dibdib ang nakararamdam ng kaba. Maging mga talampakan niya ay kinakabahan din, tinutusok ng maraming parang pinong tinik habang nanginginig ang tuhod. Napatagilid ang hawak nito sa baril at napansing natamaan ang handguard ng armalite.  Dali-dali siyang bumalik sa bahay gulat na napagtantong naunahan na sila sa gulod ng bundok. Sumunod din si Ka Rico pabalik, ngunit may tama na ito sa kaliwang braso at tadyang.  May bahagi ng bahay na sementado at dito sila nagkubli.
“Paubos na ang bala ko ” banggit ni Ka Rico sa kasamahang si Ka Leo. “Ganun din ang sa akin” sagot ni Ka Leo. “Hirap makalabas ng kubkob pag naunahan sa mataas na bahagi.” Panadaliang natulala nang makita ng dalawa si Ka Sinag namumulot na ng mga di pumutok na balang nagkalat sa sahig, kasabay na nagkalat ang mga basyo ng balang pumutok, upang ikarga sa magazine(ng baril). Nagdesisyon na si Ka Rico na umuna na ang dalawa.  “Kung kaaway na ang nasa gulod, ay malamang wala na tayong aasahang sakoro(reinforcements) sa mga naunang nakalabas ng bahay, di natin alam kung ano na ang nangyari sa kanila. Mauna na kayong dumaan sa bintana diretso sa maliit na lambak na ito” (habang itinuturo ni Ka Rico sa dalawa ang dadaanan). “Bakit di ka pa sumabay sa amin sa paglabas?” reklamo ni Ka Sinag.       “Kaunti na lang ang bala natin.  Pag tumigil ang putok, siguradong lalapit sila at masusukol tayo sa maliit na lambak na yun. Sige na,  susunod ako” garantiya ni Ka Rico.  “Rico!” tawag ni Ka Sinag, “yung  kaninang pagpreg-test ko… positibo, magiging tatay ka na!” Saglit itong napatitig sa asawa, at sa kisapmata ay napansin ang mga mata nitong sing-itim ng gabi at sing aliwalas ng umaga, ang maalon nitong buhok, marungis man ngayon sa pawis, tila anghel parin na nakabihis ng tapetang pantalon at kamisotsino. Yinakap ni Rico ang asawa nang mapagmahal na higpit habang si Ka Leo ay paisa isang sumisipat sa mga kaaway. Ang panghihinang dulot ng patuloy na pagdurugo ng sugat, kalituhan at takot ay nahalinhinan ng galak, tapang, at kumpyansa sa gitna ng pagkakubkob ng posisyon.
Sabay nang  umatras ang tatlo; nagsilbing advance guard si Ka Leo, at si Ka Rico naman ang rear guard na may ilampung metro ang layo sa isa’t isa. Nang makalayo at natigil ang pagputok mula sa kanila, naging hudyat ito ng kaaway sa sabay-sabay at salimbayang pagpapaputok ng iba’t ibang riple sa halos lahat ng direksyon. Umabot na ang dagdag na reinforcement ng kaaway, tiyempo sa kanilang paglabas.
---
Ilang araw na rin sa bagong tirahan si Ka Sinag. Madalas tulala, kinakausap sa isip ang asawa at ang sarili. “Ano  ba ang sitwasyon? Bakit ba sa ilang buwan na pagbubuntis ay apat na pamilya na ang pinakituluyan ko, tatlong munisipyo na magkakaiba ng probinsya ang kinunan ng sedula. Ilang identidad na ang inako ko bilang salaysay sa magtatanong o kahit walang mag-usisa ay mahalagang may buong kwentong paninindigan. Minsan nga ay mas gusto ko na lang magkulong nang walang makausisa na di naman tama, sa prinsipyo man o simpleng pakikipagkapwa. Ang laki na ngang pasasalamat ko sa pagtanggap nila sa akin  nang hindi alintana ang peligrong maaaring maidulot ng pagkanlong. Sa gabing binabalot ng lungkot, hirap, at kalituhan, sana Rico narito ka. Sabi mo nga marami lang talagang hormonal imbalances pag buntis. Hayaan mo, gaya ng tugon mo buong pag-iingat ang ginagawa ko para kay baby. Biro mo nga sa akin, utos yun hindi pakiusap. Kung makikita mo lang ang pag aruga ng pamilya sa akin, napakamaalalahanin nila. Ako nga ang nahihiya at nang nakaraan ay lagi akong tulala, tuloy- sila pa ang nakikisama imbis na ako. Ano nga ba ang sitwasyon?  Sa ngayon ako si Janelle, ang buntis na karelasyon ng anak na panganay nila Aling Ising at Mang Tinong; mag-iingat, panghahawakan ang seguridad, at makikipamuhay sa masa. Sana magtagal na ako dito.”
--
Maaga kung gumising si Mang Tinong; hindi pa tumitilaok ang tandang sa gilid ng bahay ay tinitipon na nito ang abo sa pugon upang magpakulo ng tubig sa lata ng gatas. Titigil sa awit ang ilang mga kuliglig sa pagsimula ng matimyas na pagbagtas ng talampakan nitong hubad tungo sa sagurong o mga kawayang biniyak upang daanan ng tubig na parang tubo. Mayaman sa tubig ang baryo, kung kaya’t  bagamat bulubundukin ay dumarami ang palayan. Pero malayo pa sa kapasidad ng baryo ang nagawan  ng taniman. Di na mabilang ang pulitikong nangakong magpapatayo ng irigasyon sa taniman,  tubong maghahatid ng inuming tubig sa bawat pulutong ng kabahayan. Nakitil na ng pagkapanalo ang pangako. Biglang napatigil si Mang Tinong sa pagbagtas nang mapadaan sa kapirasong semento na nagsisilbing tanda; ang muhon ng lupaing dating sinasaka. Hindi pa niya malimot ang de-pomadang upahang surbeyor ng lupa ni Don Ramon, at ang pagkawala na parang bula ng lupang kanilang sinasaka, na minana pa niya sa kanyang mga ninuno. “Ilang taon kaya nag-aral sa unibersidad ang surbeyor na iyon para lang lokohin ang tulad ko na ni hindi nga nakatapos ng grade 1? Sabi pa tiga Agraryan daw siya, kung saan man iyon?!” tanong ni Mang Tinong kasabay ng pagkayamot nang minsang naikwento ang kasaysayan ng pagkawala ng lupa. Nang nakaraan ay pinahuhulugan pa ito sa kanila para raw mapasakanila ang lupa(ng  inagaw). Sa kabutihang loob ng Presidente na noo’y si Cory ang programang ito ngunit makalipas ang ilang taon ay wala palang uuwian ang paghuhulog at ngayon ay pinagkaloob sa mga dayuhang minero. Hindi daw agricultural land ang lupa dito dahil masyadong matarik.
Timbang ang dalawang konteyner ng tubig sa balikat, di iniinda ang bigat, nang natanaw agad nito ang babaeng nakabestidang mabulaklak ang imprenta.  “O ang aga mong nagising Janelle?” nang di na naghintay ng sagot “Mainit na siguro yung tubig, mag sambong ka na muna.” “Ganun po ata talaga Mang Tinong pagkabuntis, maagang magising. Kanina pa nga po kumukulo, tinimplahan ko na rin nga kayo.”    Halatang kagigising palang, ay lumabas na agad si Aling Ising na asawa ni Mang Tinong. “O, magandang umaga Janelle” “Magandang umaga din po”tugon nito.  “Pagpasensyahan mo na at medyo tinanghali ako ng gising, di tuloy ako nakapag sangag ng kapeng bigas. Sinilip ko kasi yung inahing baboy maghahatinggabi, baka kako kung na-ano na at sige kasi ang ugik. Eh itong si Manoy mo ginigising ko, ang kaso tulog mantika. Naipit lang pala yung tali ng inahin kaya nahirapan humiga”- bungad ni Aling Ising habang humahakbang palabas ng balkon.  “Gising ako, alam ko naman ang ugik ng baboy pag nanganganib, kaya di na ako tumayo”- pagtatanggol ni Mang Tinong. “Wag ka daw, gising ba ang kung humilik parang hinihilang tablon(ng kahoy)?!”- ang hirit sabay tawa ni Aling Ising, at nagtawanan ang tatlo.
Kapapatak palang ng alas-5 ng umaga, maaga pa ngunit eto’t nagkakasiyahan na si Janelle at ang  mag- asawang masang kukupkop sa kanya sa loob ng nalalabing buwan ng pagbubuntis o hangga’t ipahihintulot ng sitwasyon.
---
Pagkahapon, nang araw ding iyon, nagtipon ang ilang kababaihan sa bahay ni Aling Ising para magdala ng lubi-lubi, niyog, ilang gulay at bigas. Si Dante na anak ni Aling Bining ay naroon rin para magkayod ng niyog at numakaw ng sulyap kay Yingying na bunsong anak ni Mang Tinong. Habang nag-gagayat ng bawang at sibuyas si Janelle, natanong nito kung ano ang okasyong pinaghahandaan. “Naku walang okasyon, may trabaho. Magbabayanihan para mabuksan ang magiging palayan ni Manoy mo, ni Mang Lando, at nang balong si Aling Letty. Kung sa bagay madalas na pagkapista lang ang ganitong pagkaabala, maglalasing at magsasabong lang naman ang mga mga kalalakihan at magtsitsismisan ang mga kababaihan” wika ni Aling Ising. “Eh tama po talaga na mas paghandaan ang kakanin pagka may ladyaw(o bayanihan) kaysa pistahan” tugon ni Yingying.  “Tumpak!” ang agad na suporta ni Dante na nakikinig pala mula sa silong ng bahay. Alanganing matawa o magsungit ang mapanuri ngunit pabirong sagot ni Aling Ising “Noy, sa kakapakinig mo sa usapan dito ay baka bao na ng niyog ang nakukudkod mo”.  Napangirit ang mga nasa kusina.
--
Nag-aagaw na ang liwanag at dilim nang mag-uwian ang mga ka sityo. Si Mang Tinong ay pauwi na rin matapos  isaayos ang pagkakamada(o pagkatali) ng kalabaw sa puno ng mangga. Naiwan sa kusina si Janelle at Aling Ising upang magligpit ng pinagkainan. “Ayan malinis na ang lamesa” wika ni Aling Ising. Kanina lang umaga napagkasunduang mag-aral magbasa at magsulat ni Aling Ising. Nilabas ni Janelle ang kwaderno at lapis, at nag-aral si Aling Ising ng tamang pagbaybay ng alpabeto. Nahihiya si Aling Ising ipaalam sa iba, marami rin trabaho pag araw, kaya gabi ang napagkasunduan nilang oras. Maging si Mang Tinong ay pansin ni Janelle na interesado rin ngunit ayaw lumahok kahit pa pilitin. Hinihiyaan lang nila itong umupo sa bangko habang nag-aaral sila; kunwari walang Mang Tinong sa gilid na kunwari, naghahasa ng sundang, nagrurugrog(o binubutil) ng mais, o nagtutulug-tulugan.        Minsan mahuhuli itong hawak ang maliit na textbook sa pagbasa at bigla nitong bibitiwan, biglang lalakad palayo pag may nakakita.
Halos araw-araw ang ganitong pag-aaral at ang laking pagkagalak ni Janelle at matiyaga, mabilis matuto ang tinuturuan. Lalu pa itong napadali at napahusay sa pagtulong ni Yingying, na dating kinahihiya ang pagkamangmang ng mga magulang, sa pagsasanay sa ina. Araw- araw rin na nagmamasid lang si Mang Tinong, nagkukunwaring di nakikinig.
--
Parang sinakmal ng pagkagulat si Janelle pagpasok niya sa silid nila ni Yingying.  Ni hindi pa pala niya naaayos ang mga gamit. Palibhasa’y limang taon niya naging aparador/pribadong kwarto ang army pack na ito.
Agad nitong kinarton ang mga damit at ilan pang gamit katawan; kinonsulta si Mang Tinong kung saan maitatago ang army pack, duyan, at iba pang iligal(sa kanayunan) na gamit. “Ako na bahala, may alam ako ditong pinagtaguan ng mga ninuno ko na kahit mga sundalong Amerikano, sundalong Hapon at mga buwisit na PC ay di natunton.” Madali nitong dinampot ang ispat o flashlight at naglakad palabas.
--
Maaga pa sa simbang gabi ay nagluluto na si Aling Ising, Yingying, at Janelle, habang si Mang Tinong ay sukbit na ang mga konteyner papuntang sagurong para mag-igib. Pasikat pa lang ang araw ay nasa bukid na si Mang Tinong inaayos ang hatian ng trabaho ng mga nagsipagdalo. Naroon na rin si Mang Lando, ang anak nitong binata at dalaga, sila Aling Letty, at ang dalawa nitong anak. Sa silangang pinagsisikatan ng araw ay natanaw na sila Mario, si Eling Bingi at ang iba pang kababaryo. Malakas ang partisipasyong ng mga tiga baryo lalu sa ganitong mga aktibidad; alam nilang sa ikauunlad ng komunidad ang tulungang ito. Nais rin nilang masuklian ng pagdamay ng iba sa oras na sila naman ang magpapaladyaw. May naghahawan, may nagsusuyod, at mayroong humuhukay ng irigasyon. Maging sa pagkain ay hindi mag-isang kinakarga ng nagpatrabaho, gaya nang paghahandang ginawa kahapon ng mga kababaihan kasama ang ibang kabataan. Nagkakaisa, organisado, at epektibo ang mga samahan ng magsasaka dito.
Pero hindi rin naman puro kapurihan ang masasabi. Nariyan si Mang Lando na sa tuwing bayanihan para sa iba ay madalas tanghali na kung magpakita. Nariyan din si Aling Rosa na hindi lang kuhol ang tinitipon sa palayan kundi pati ang pagsagap ng tsismis at si Eling Bingi na pagkatapos magladyaw ay magyayayang uminom. Ang hirap pauwiin pagka nalasing, maghahamon pa ng away. Palibhasa’y mahina na ang pandinig kaya akala'y lagi siya ang pinag-uusapan pag lasing. Makailang beses na itong napagsabihan nila Mang Tinong at ng mga kasama at kolektibo, kaya’t dumalang na ngunit di parin lubos maliwat ang pag-inom.
--
Sa tuwing maglaladyaw ay madalas din naroon si Dante upang tumulong sa gawain, magnakaw ng sulyap kay Yingying. Bawat pitik sa lubid at sitsit sa kalabaw ay tila nagpapakilala sa dalaga na kaya na niyang bumuhay ng pamilya. Kaya’t madalas pag namamahinga na sa kwarto si Janelle at Yingying ay madalas nila pagusapan ito. Hindi naman kataka-takang mahumaling ito sa dalaga. Maganda si Yingying, kayumangging kumikinang parang ginto ang balat, hugis puso ang mukha na may mapungaw na mata,  kulay rosas ang labing maihahambing sa rosas na hindi pa bumubukadkad.   “Alam mo bang niyayaya na ako noon magpakasal” “Talaga!? Anong sabi mo?” “Sabi ko ayaw ko pa, gusto ko muna mag Hukbo. ” “Pag-isipan mo ng mabuti; mahirap ang buhay ng gerilya, mapanganib na, marami pang dapat tiisin at baguhin sa nakagawian.” "Naisip ko na yan, nabanggit ko nga kay Nanay minsan, sabi ko pagkabertdey ko eh sasampa na ako sa Hukbo.” “Anong sabi naman ng nanay sa plano mo?" “Basta daw sigurado akong yun nga ang gusto kong gawin, hindi yung gagaya-gaya lang.” “Tama ang nanay, karamihan nga sa mga babaeng sumasampa, pagka-nagkaanak na, o kung minsan nga eh pagkakasal pa lang ay bumababa na. Hindi naman yun masama pero mas maganda parin yung nagtutuloy sa pagkilos. Dito ka muna sa lokalidad tutal pareho naman itong paglilingkod sa bayan. At ipangako mong magpapaalam ka nang maayos sa nanay at tatay mo pag nagdesisyon ka na.” “Ah basta, pagtuntong ko ng disi-otso sasama na ako” madiing sagot ni Yingying.  “Ano na nga pala napagusapan ninyo ni Dante?” “Maghu-Hukbo rin daw siya pag nagkaganoon” sabay nagtawanan ang dalawa.   Biglang natigil ang dalawa nang tumahol ang aso.  “O bakit gising pa kayo? Oy Yingying huwag mo na daldalin ang Ate mo Janelle,  masama sa buntis ang napupuyat!”  “Aling Ising ako po yung dumaldal kay Yingying”sagot ni Janelle.  “Siya nga, ang Nanay talaga o!” sagot ni Yingying na sa tono nito’y nais sabihing-“ako na naman nakita mo.” Palibhasa’y siya na lang sa limang magkakapatid ang natitira sa poder ng mga magulang kaya siya na lang rin ang pinagtutuunan ng pansin ng mag-asawa.  Ang iba’y may kani-kaniya nang buhay, dalawa ang may sarili nang pamilya.    “Hala sige gising ka pa naman, hugasan mo na muna itong kaldero at idadaan ko na ito bukas kay Aling Rosa.” “Ang Tatay naman!”  “Tara Ying, samahan kita” anyaya ni Janelle.
--
Isang umaga araw ng Linggo, sa baryo Pitong Bukal ay may naligaw na bisita sa kapilya. May pagtitipon daw na gaganapin. Hindi misa, at hindi rin pari ang nagpatawag kundi isang tauhan ng DAR. Sa tagaktak ng pawis nito, paghinga na tila hinihika, itsura nito’y isang mamang mataba na mamamatay sa pagod kung hindi pa makauupo sa bangko, palibhasa’y madalas sa opisina lang. Kasama nito ang isa sa kagawad ng barangay, na dati ring engkargado ni Don Ramon.  Agad itong nagpahanap ng kakataying manok, at nagpaluto ng adobado. Ilang oras pa pagkakain ay saka palang nasimulan ang pakay.
Nagsimula ang pulong sa kataasan ng init ng araw. Dinaluhan ito ng mga opisyal ng barangay at mga benepisyaryong nakalista sa opisina nito. Nagsimula nang magsalita ang mamang kaisa-isang nakasapatos sa pulong. Karamihan kasi ay kung hindi nakatsinelas na pudpod ay naka yapak(kung ikukumpara sa tsinelas ay lalu naman kumakapal ang talampakan sa kahahalik sa lupa).  “Bueno, ako po si Arturo, mula sa Kagawaran ng Reporma Sa Lupa. Narito po tayo dahil ang lupang ito’y ipinamahagi sa inyo sa kagandahang loob ng asyenderong si Don Ramon. Sinasaad po sa kasunduang ito na ang magsasaka ay magbabayad ng abot-kayang halaga kapalit ng lupa. Ngunit tila wala po sa atin ang nakakagampan sa obligasyon rason upang mawalang saysay ang pamamahagi ng lupa, at babalik ang lupa sa asyendero. Ngunit sa kagandahang loob po ng gubyerno ay nakahanap po ito ng solusyon; irereklasipika ang lupa dahil di mainam na taniman at ilalaan sa ibang gamit ang lupa. Ililipat kayo sa ibang lugar, at bibigyan ng salaping pangsimula.” Nabasag ang katahimikan ng pulong at nagsalita si Mang Lando “Paano naman ang kabuhayan namin dito? Papatayin ninyo kami sa gagawin ninyong yan!” Lalong umingay at sabay-sabay na nagsalita ang bawat isa.  “Hindi naman po hahayaan ng gubyernong mangyari ang ganoon, dyan lang sa kabilang munisipyo ay may naghihintay na lupa para inyong pagyamanin. At dahil ang lupa ay pagmiminahan ng Multinasyunal na kumpanya- magiging prayoridad pa kayo na gawing trabahador, pagkakataon na po para magkaroon ng regular na mapagkakakitaan” dagdag pa ng Mamang si Arturo. “Gaanong katagal na trabaho- anim na buwan?” sigaw ng isa mula sa likod. Sa gitna ng pagtatalo, isang tinig ang nagpatahimik sa mga dumalo.  “Matagal na po kaming nagtatanim dito at kami mismo ay makapagpapatunay ng yamang agrikultural ng lugar. Ang hiling po sana namin ay kung maaring pag-aralang muli ng inyong mga eksperto ang planong yan ” mahinahon ngunit madiing sagot ni Mang Tinong. “Alam po ninyo, matagal na itong pinag-aralan ng mga eksperto, ni isa sa mga ahensyang maaring magpatunay na di dapat ireklasipika ang lupa ay walang tumutol sa planong ito; ang DENR, NIPAS o maging ang DA.”  Biglang napatayo sa Eling Bingi sa posturang tila manunugod. Hindi matago ang poot sa panginginig ng boses. “Bu-bu-bu-bulag ba kayo?! Di ba ninyo nakikita ang niyugan, maisan, ang mga bukal, at ngayo’y mga palayan. Pangalan palang ng baryo alam mo nang mainam taniman- PITONG BUKAL!” Pinuno ng sigaw at halakhakan ang kapilya. Tila napahiya ang mamang si Arturo at gumuho ang etika nito sa pakikipag usap at sumagot ng pabalang “Ang laki na ng nabayad ng gubyerno kay Don Ramon, kayo nama’y di nagsisipaghulog, kanino kayo naghuhulog- sa mga NPA?” Nagsalita si Mang Tinong nang may hinahong baligtad sa pinakita ng mamang si Arturo. “Maghinay-hinay po tayong lahat sa binibitawan nating mga salita, ang gusto lang po namin ay maipaabot ang aming saloobin. Ang plano pong iyan ng gubyerno ay gutom ang idudulot sa aming mga pamilya.”   Agad na sumagot ang tiga DAR “Ang planong ito ay di na mababago” diin nito “At bueno, huwag ninyong sabihing hindi ko kayo pinaalalahanan.” Ang huling binitawang salita ng mamang si Arturo. Mabilis itong lumakad paalis  kasabay ang dating engkargado.
Magtatakipsilim na nang makauwi ng bahay si Mang Tinong. Inabutan niyang nag gigiris ng dahon ng kamoteng kahoy ang tatlo para sa hapunan. Ikinwento nito ang nangyari sa pulong nang may poot at panlulumo. Dinaig pa nang pulong na yun ang maghapong pagal sa pag-aararo.  “Paano na tayo niyan?” tanong ni Aling Ising sa asawa. “Hindi ko alam, basta hindi tayo papayag sa gusto nila, sa kanila na yung pera nila. Isang buwan ka nga lang sa Maynila, o kung saan mang bayan, ubos agad yun, tapos ano— magiging iskwater tayo sa sariling bakuran!” daing ni Mang Tinong. “Tatay, paano nila nasabing hindi magandang taniman ang lugar? Eh sa pagtatanim nabubuhay ang mga tao dito.” Tanong ni Yingying.  “Ewan ko ba anak, wala raw ahensya ng gubyernong nagpapatunay na mainam nga itong taniman, gaya rin ng rason ng pangangamkam ni Don Ramon sa ating lupa, wala raw tayong papeles kaya walang karapatan sa lupa.” “Hindi pa ba sapat ang mga buto ng ninuno natin na patunay na atin ang lupa at mainam taniman ang lupa?” pagsali ni Aling Ising.   “Talaga nga pong mali ang gawain nilang yan. Maging sa kanilang batas sa reklasipikasyon ng lupa ay nagsasabing hindi maaring ireklasipika ang mga watershed o lupang mayaman sa bukal ng tubig, pati mga palayan at iba pang taniman na may sapat na mapagkukunan ng patubig. Bukod pa diyan, pinaghulog na kayo noon para sa CLOA.”paliwanag ni Janelle.   Biglang napaangat ang sa una’y nakayukong ulo ni Mang Tinong na tila dinapuan ng solusyon sa pinagdadaanan.
--
Naging abala ang mga tiga baryo sa mga sumunod na araw. Bukod sa pagiging abala sa pagtatanim at ladyaw, naging abala rin ang ilan sa pakikipagusap at pakikipagkoordina sa mga People’s Organizations, mga makabayang partido, at ilang maaasahang NGO.  Tuloy-tuloy ang tulungan ng magkakabaryo. Dalawang lingo na lang ay pista na ng patron ng Pitong Bukal, ngunit hindi pista o paggayak sa poon ang pinagkakaabalahan ng mga tao. Abala sila sa kampanyang palawakin ang pagkakaisa ng samahan, palawakin ang mga saklaw ng mga palayan.  Sumigla rin ang mga pag-aaral kaugnay ng lupa at pagmimina. Laking tuwa ni Janelle na si Aling Ising pa ang naaatasan kung minsan magkatitikan sa mga pulong ng kababaihan. Mula kasi nang magsimula itong mag-aral magsulat ay walang araw na di ito nagsanay, kung minsan sila lang ni Yingying pag masama ang pakiramdam niya. Madalas pa nga nang nakaraang mga araw ay magisa itong nagsasanay.
--
Habang nakahiga sa banig bago matulog, ay naisipang tanungin ni Yingying si Janelle.  “Ate Janelle, kailan ka dadalawin ng asawa mo?” Bigla ay nabalot ng lamlam ang matang maaliwalas ni Janelle at di agad nakasagot. “Ayos lang naman Ate kung ayaw mo sagutin.” bawi ni Yingying. “Ah hindi, okey lang... ako ang dadalaw sa kanya…   nga lang, di ko pa alam kung kailan” sagot ni Janelle. “Ang laki na ng tiyan mo, minsan nga nakita kitang nakakuba… parang hirap na hirap ka na. Minsan nakita kitang umiiyak magisa.” wika ni Yingying.   “Naku wag mo ngang intindihin ang mga arte ko sa buhay. Anung pagkakaiba ko sa mga babae dito, gaya ng nanay mo?” “Kahit kasi di mo sabihin Ate,  kita kong hindi ka sa pamilya ng magsasaka galing.” Lumaki rin ako sa probinsya, hindi nga lang sa bukid. Nagtitinda sa palengke ang nanay ko, tatay ko naman ay kusinero sa isang restawran.” Maswerte lang ako at natulungan ng mga kapatid ng tatay magapang sa pag-aaral” kwento ni Janelle.  “Alam mo Ate, pareho pala tayo. Nagkataon lang daw na bunso ako kaya naka-abot ako ng first year HS sa pag-aaral. Mga kapatid ko, mataas na ang grade 4.  Kaya nga ang laking tuwa ni Nanay nang turuan mo magbasa.” Ang magiliw na kwento ni Ying. “Tinuruan natin.”paglilinaw ni Janelle. “Tulog na tayo Ying.” “Sige po.”
--
Kasisikat pa lang ng araw nang mabulahaw ang katahimikan ng mga putok na nagmula malapit sa bukal, sa direksyon ng bahay ni Mang Lando; hindi lang isa kundi ilang short burst na putok ang narinig. Matapos ang ilang minuto ay nagputukan na naman. Tila isang  direksyon lang ang pinanggagalingan.
Sa kataasan ng sikat ng araw sa sentro ng baryo ay nakabilad, walang saplot, at balot ng dugo at putik na nanuyo ang bangkay ni Eling Bingi. Ayon sa mga nakasaksi ay pinaguyod pababa ng mga militar si Eling Bingi sa kalabaw na animoy produktong ilalako sa bayan. Ayon sa anak nito ay namamahinga ang amang nakaduyan sa payag(o kubo) nang dumaan ang mga sundalo. Hinalughog/ikinalat ang mangilan-ngilang gamit sa payag at pinadapa sa lupa ang ama. Galing sa pag-igib ng tubig sa sagurong nang masaksihan ng anak ang pangyayari. Kinakausap daw ng mga militar ang ama nito, at madalas sumagot ng pabalang ang ama na siya naman talagang ugali nito. Palapit na sana siya nang biglang barilin  ang ama, sa takot ay hindi na ito nakagalaw sa kinatatayuan saksi ang malagim na pangyayari sa ama.
Sa sentrong baryo, kausap ng opisyal ng mga militar ang kapitan ng baryo. “Eto po ang affidavit na nagpapatunay na may nakasagupa kaming tatlumpung NPA at patunay na ang taong ito(habang dinuduro ang bangkay) ay isang NPA.” “Pirmahan mo na lang Kapitan” ang utos ng upisyal sa kapitan. “May nakapagsabi po na wala naman daw kayong kalaban, at binaril lang ng walang laban si Mang Eli” sagot ng kapitan.  “Pinalalabas ninyo bang sinungaling kami, saan ka ba panig, sa amin o sa mga NPA?!” Mabalasik ang titig ng upisyal sa Kapitan at pinisil ang leeg sa may lalamunan. "Mahirap kaming kalaban Kapitan, madali lang naman magdagdag ng tao sa Order Of Battle" pananakot pa ng upisyal.  Sa takot mapag-initan ay pinirmahan ng kapitan ang affidavit.
---
Ilang araw makalipas ang pangyayari, kataka-takang dumami ang maglalako’t mangangalakal na napadpad sa baryo. May nag-aalok ng isdang binadi(dried fish) na mas interesadong maki-usyoso sa bahay-bahay kaysa makabenta. Mayroon rin namimili ng saging na hindi alam ang umiiral na presyuhan sa merkado. Alam na ni Janelle ang ibig sabihin nito. Agad nitong sinabihan si Mang Tinong ng maaring mangyari at pinag-ingat. “Mang Tinong baka po pwede na rin padala ‘sa dati’ itong sulat” pakiusap ni Janelle.  “Tamang tama at may kukunin akong palakol sa bandang doon” sagot ni Mang Tinong.  “Salamat po!” pahabol na sabi nito sa matandang nagmamadaling lumabas.
Nakayuko at hinihimas ang tiyan, kinausap nito ang sanggol sa sinapupunan "Baby, kailangan ata natin muling lumipat. Sigurado akong kasing ganda ng lugar natin ngayon, at kasing bait ng mga naging lola, lolo at tiya mo dito yung malilipatan natin. Handa ka na bang salubungin ang mundo? Sabik na sabik na akong makita at makarga ka, malapit na. Malapit na rin tayo makadalaw sa Tatay mo, kaunting panahon nalang, malalampasan din natin ito." Alam niyang walang katiyakan ang buhay rebolusyonaryo. Alam niyang hindi makakapayag ang ina niya sa sitwasyon niya ngayon lalu’t magiging unang apo nila ito. Bagamat hindi mayaman, ay hindi naman nakakaitan ng kaunting ginhawa ang pamilya nito. Ilang lipat na sya, malapit na ang kanyang kabuwanan ngunit ni isang beses ay hindi pa siya natsek-ap ng duktor. Masaya naman siya at madalas siyang dalawin ng manghihilot at partera mula nang napunta  kanila Aling Ising.  Ang hirap ng sitwasyon na mag isa; wala ang asawa kung kailang kailangan ng masasandigan, hingahan ng mga saloobin na alam niyang, tanging asawa lang ang makauunawa. Madalas tanungin ni Janelle ang sarili “Magkasalunghat ba ang pagiging ina at pagrerebolusyon? Para rin naman sa anak ko ang pinakikipaglaban ko, pero bakit ganito ang nararamdaman ko? Napapagod na ba ako? Bakit kasi naging malaking kasalanan ang ipaglaban ang interes ng marami nang walang pagkompromiso?!”
Hindi pa nagtatagal ay bumalik na si Mang Tinong kasama si Mang Mario. “Pinapasundo ka nila Ka Leo, nariyan sila ngayon sa kabilang baryo. ” “Nakita po ninyo? Sino po ang kasama?” sabik na tanong ni Janelle.  “Si Ka Unsoy lang, yung yunit na sumasaklaw sa kabila.” sagot ni Mang Mario.  “Tama pala yung sinabi mo Janelle, may mga militar na dyan sa ma-kape, nagtatago sabi ng anak ni Kapitan” singit ni Mang Tinong. “Naku mag-ingat po tayong lahat” sagot ni Janelle.  Habang nagaayos ng gamit ay dumating ang mag-ina. “O, bakit ka may dalang bayong?” Tanong ni Aling Ising. “Pinapasundo na ng mga kasama” sagot ng asawa nito.   “Malapit ka na manganak ngayon ka pa lilipat. Kaya ka naman namin ipagtanggol dito, saka walang hudas sa lugar na ito. ”pahabol pa ni Aling Ising.   “Salamat po, pero mabuti na rin ang nag-iingat. Ayaw ko naman mapahamak kayo sa pagtatanggol sa akin” “Ate, babalik ka ha pagkapanganak mo.”  “Sigurado yun Ying, hindi ko kayo malilimutan, at susulat ako pag may pagkakataon.” Inakap ni Janelle ang mag asawa at si Ying.
----
Nakalipat si Janelle sa mas malapit sa bayan. Mag-asawang guro ang tinuluyan niya dito hanggang sa manganak siya. Isang buwan, pagkapanganak ay agad niyang inayos ang pakikipagkita sa magulang ni Ka Rico na ayon sa ugnay ay tanggap naman daw ang mag-ina.
--
Nagising si Yasmin sa iyak ng anak na si Mariana Yasmin Suarez. Sinunod ang unang pangalan sa asawang si Mariano Ricardo Mendoza, at sa kanya naman ang pangalawang ngalan at apelyido; sa Partido kasi at hindi sa simbahan o sa burgis na pamahalaan sila kinasal ni Ka Rico.  Pasususuin niya ito at kakausapin ng malambing  at agad itong titigil umiyak.  “ Sleep na Mariana baby, mamaya lang makikita mo ang  Lolo’t Lola mo. Yan pakita mo dimples mo ha pagdating natin doon para matuwa sa iyo, cute cute naman ng baby ko!”   Ito ang unang pagkakataong makikilala ang pamilya ng asawa, at hindi madaling preparasyon ang ginawa niya para masakatuparan ito. Kung bakit kasi hindi nila nabisita ang pamilya ni Ka Rico noon, at hindi yung ganitong magpapakilala siya nang wala ang asawa at may bitbit pang sanggol. Sa tagal ng biyahe sa bus at himbing ng tulog ni Mariana, hindi mawala sa isip niya ang huling pagkikita nila ni Ka Rico.
Nakaatras na sila mula sa kubkob. Alam na rin nila na tatlo sa mga kasamahan ang namartir sa labanang iyon. Agad silang kumuha ng kawayan at iniayos ang pagkatali ng duyan dito.  Ilang oras na makalipas ang labanan ay hindi parin maampat ang pagdugo sa sugat ni Ka Rico. “Kailangang masalinan siya ng dugo,  kailangan ilabas sa sona at dalhin sa ospital. Kahit pa  mapanganib” lumuluhang wika ni Ka Sinag kay Ka Leo.  Sa tulong ng dalawa pang masa ay nilakbay nila ang kabilang dulo ng erya para makaiwas sa operasyon ng kaaway, Ilang oras sila naglakad at madilim na ng  makarating sa may hi-way.  Sa buong panahon ng paglalakad ay madalas hanapin ni Ka Rico sa tabi niya ang asawa.  Sa panahong iyon ay maraming saloobin ng pagiging asawa, pagiging ama, at pagiging kasama ang binukas ni Ka Rico sa asawa tulad ng huwag na huwag daw ilalayo ang kalooban ng anak sa  masa, at mga kasama; ang eskwelahang papasukan, at pag-ugnay sa magulang nito. Malapit na sila sa hi-way kung saan may nakuha nang sasakyang maghahatid nang makiusap si Ka Rico na tumigil muna. Humingi ng tubig at kakausapin daw muna ang asawa. “Ka Sinag,  halika dito sa tabi ko, pwede bang akapin mo lang muna ako, mahal kita habambuhay!” Lumapit si Ka Sinag at niyakap ang asawa. Hindi bumitaw sa pagkayakap si Ka Sinag habang walang tigil ang pagtulo ng luha nito. Mahigpit nitong niyakap ang asawa at yumakap rin si Ka Rico hanggang  unti-unting humina hanggang ganap na mawalan ng lakas ang bisig,  hanggang sa mamatay ang liwanag sa mga mata ng asawa. 
Pagbaba ng mag-ina sa bus ay naroon na ang ugnay na comrade kasama ang kanyang biyenan na lalake naghihintay. Pagkarating ng bahay ay agad na kinarga ni Aling Maria ang apo.  Matapos magmeryenda ay naupo sila sa sala at pinakiusap ng magasawa na ikuwento ang naging buhay nila ni Ka Rico, at kung paano namatay ang kanilang anak. Masakit man gunitain, ay ikinuwento nito ang buhay nila  ni Ka Rico sa bundok. Isinaysay rin nito ang pangyayari sa pagkamatay ng asawa.  Malugod na tinanggap ng mga magulang ni Ka Rico ang mag-ina, at dito na sila tumuloy. Itinuring na siyang isang tunay na anak. Sa bawat araw ng linggo ay nagsisimba ang mag-asawa, madalas kasama ang mag-ina sapagkat dumidiretso sila sa puntod ng asawa. Sa una ngang pagdalaw sa puntod ng nasirang asawa ay di napigilang humagulhol ng pagkalakas lakas ni Yasmine. Mula noo'y, madalas na niyang dalawin ang puntod ng asawa. Madalas kasama si Nanay Maria, minsan naman ay ang bunsong kapatid ng asawa na dose anyos na dalagita. Habang nasa pangangalaga ng biyenanay nagkaroon na rin siya ng pagkakataong dalawin ang sariling mga magulang, bagamat sandaling panahon lang sapagkat pinaghahanap na siya doon ng mga militar.
Dahil walang nakakakilala kay Janelle sa lugar ng mga biyenan,  namuhay siya bilang isang ordinaryong ina, tumutulong sa gawain sa bukid, naglulubid ng abaka, at madalas asikasuhin at lambingin ang anak. Bawat araw na kasama ang anak at malayo sa mga rebolusyonaryong gawain ay mas tumitindi ang pagtatalo ng kanyang kalooban, kung babalik pa ba o hindi na.
Isang araw ay may napadaang kasama na naghatid kay Yasmine ng dalawang maliliit na tiniklop na papel, nakabalot sa scotch tape.  Ang isa ay nauukol sa pangalang Sinag na galing sa mga kasama, nangangamusta at nagtatanong kung kalian ang balak na pagbalik. Ang ikalawa naman ay sa pangalang Janel. Sa sulat na Janel ay dalawang papel ang nakalakip; ang isa ay sulat ni Aling Ising, at ang ikalawa ay mula kay Yingying. Sabik na binasa ni Yasmine ang mga sulat. Sa sulat ni Aling Ising ay ikinwento nito ang pangyayari sa asawa, na sa ngayon ay di makalakad dahil sa pambubugbog ng mga Cafgu at militar. Pagaling na rin ang nabaling buto nito pero hindi pa makatrabaho. Kamakailan lang daw ay pumayag na ito sa wakas, na magpaturo sa asawa ng pagbasa at pagsulat. Ngayon nga daw ay nakababasa na, at nasambit pang minsan na sana’y matagal na siyang nagpaturo. Bagamat nangungulila, ay kinararangal nito ang piniling buhay ng bunsong anak.  Sumunod na binasa ni Yasmine ang sulat ni Yingying:
Dear  Ate Janelle,
Kamusta ka na. Ayos lang naman kami dito. Matagal nang nakaalis ang mga maton na army ngunit grabi ang pasakit na dinanas ng buong baryo bago lumayas. May binugbog, may tinakot hanggang umalis na lang sa lugar ang ilang minaltrato, at mayroon rin ilang kadalagahang nabuntis. Kinulong nga ang ilan na mga kalalakihan sa baryo kasama si Tatay. Buti nalang humabol agad ang mga asawa ng mga dinakip na at barangay opisyal para palayain agad.  Pagkalaya ay di makalakad si Tatay dahil sa pambubugbog ng mga nangimbestiga sa kanya. Binawal din ang nakaugaliang ladyaw para sa pagtanim ng palay,  dahil na rin sa ibibigay daw ang lupa sa mga dayuhang minero. Nabanggit ko noon na magpapakasal kami ni Dante, di na ito mangyayari. Sa kalakasan ng bagyong Huling, ay pinasok ng mga Cafgu at militar ang bahay nila Dante at dinala. Mula noon ay wala nang balita. HIndi alam kung buhay pa o patay na ang mahal ko. Ilang linggo din ako nag-iiyak nun. Sabi pa ng mga maton na NPA daw ang dumukot dito pero nakilala nang kapatid ni Dante ang isa sa Cafgu na kasabay  na nandukot sa mahal ko. Gusto kong mang-agaw ng baril at pagbabarilin ba ang mga PC. Kaya eto nagdesisyon na rin akong sumama sa inyo, galit parin ako sa mga militar ako pero hindi na para lang maghiganti. At Ate Janelle saan ka man naroroon ay mag iingat ka lagi.  Sa isang operasyon ng mga militar ay nakakuha sila sa isang yungib sa may sityo Kulambo ng mga gamit daw ng NPA. Sa gabing yun, ay parang Santelmo sa bundok. Sinunog ng mga militar ang mga payag na malapit dito, maging ang kulungan ng baboy ni Tandang Tasyo di pinalampas. Sunod na araw ay inihaw na baboy ang inalmusal ng mga maton. Nahuli daw nila ang baboy damo sa bundok. Bago madukot at mawala si Dante ay narinig nito ang mga upisyal militar na nagsabing 'dito lang pala nagtatago si Kumander Sinag' na kala mo’y mga nakapulot ng ginto. Nabanggit ko ito kay Tatay at sinabi niyang doon nga sa yungib na yun itinago ang mga gamit mo.  Magiingat ka palagi. Kamusta sa beybi mo. Ninang ako ha. Sana magkita na tayo.
Ang Iyong Kapatid Sa Pakikibaka
Ka Janel.
Kinabukasan ay nagpaalam si Yasmine na dadalaw sa puntod ni Mariano. Iniwan nito ang anak sa Lola at isinama ang bunsong kapatid ni Ka Rico na si Maricel. Sa harap ng puntod ng asawa ay nagdasal. Sa pagdadasal ay tila kinokonsulta sa namayapang asawa ang bumabagabag sa kalooban at isip, para kasing hindi na niya maiwan ang anak ngunit di rin naman niya masikmurang pabayaan ang mga kasama at masa. Pagkadalaw sa puntod ay sandaling dumaan sila sa palengke para bilhin ang tinugon ng ina na longganisa at gatas.
Habang naghihintay ng dyip pauwi ay may isang heavily tinted na van na biglang tumigil sa harap nito. Naglabasan ang dalawang matipunong lalaking siyete ang gupit. Sa loob ng dyip ay sinabihan na nito si Maricel na kahit anong mangyari ay magpanggap na hindi sila magkasama. Una’y sinubukang kausapin si Yasmine ng  lalaking nagpakilalang Lt. Flores para dalhin daw sa kampo. May ilan lang daw na katanungan para dito. Hindi pumayag at nagmatigas  si Yasmine. "Kung kakausapin ninyo ako eh dito nyo na ako kausapin, may warrant of arrest ba kayo, ba't ninyo ako isasama sa kampo. Saka mga army kayo, ni hindi nga kayo pulis!" ang matapang na sagot ni Yasmine. "Bastos kang babae ka!" ang tanging sagot ng tinyente at agad nitong sinampal si Yasmine, sinikmuraan at kinalakdkad palabas ng dyip. Sa sobrang takot ay hindi nakagalaw ni nakapagsalita man lang si Maricel. Saksi si Maricel kung paano minura, kinaladkad, at pinagtatadyakan ang ate nito. Hindi rin natigil sa pagpupumiglas ng buong lakas si Yasmine hanggang muli itong sikmuraan ng isa pang militar at mamilipit sa sakit. Sa kataasan ng araw, ni isang tao ay walang sumaklolo. "Tulungan ninyo ang ate ko" ang sigaw at iyak ni Maricel habang pinupulot ang naiwang tsinelas ng Ate nito. Ang mga pulis na may istasyon ilang metro lang ang layo sa pinangyarihan ng pandurukot ay inabot ng kalahating oras bago dumating; malayo na ang mga militar kasama si Yasmine.
--
Malinaw na nailarawan ni Maricel at iba pang saksi ang mga dumukot kay Yasmine. Natukoy rin ang sasakyan na pag-aari ng batalyon HQ sa lugar. Pati ang pangalan ng upisyal na kumausap bago pagpilitang isama ang asawa ng kapatid ay natukoy rin. Ngunit nakailang anibersayo na ng pagkamatay si Ka Rico, nawawala parin si Yasmine. Nagtutulungan na ang dalawang pamilya(Mendoza at Suarez) kasabay ng mga organisasyon sa karapatang pantao ngunit bawat araw ay mga  tanong, imbis na kasagutan ang nakukutkot. Lumalaki na si Mariana Yasmine ngunit wala pang katiyakan kung makikita pa ang ina. Hanggang mauso na ang internet, cellphone at facebook ay wala parin kasagutan ang paghahanap sa ina. Gaano man connected ang mundo ay disconnected pa rin si Mariana sa kanyang pagkataong sana’y mapupunuan ng ina. Hindi matuldukan ang pangyayari, hindi magmaliw ang pag-asa;  araw-araw nanlalabo ang pag-asa, araw araw umiilap ang hustisya.
Ngunit di napapawi ang pagnanais baguhin ang kalakaran, mula sa kabutihan ng puso nag-uugat ang kapasyahang lumaban. Tulad ng bukal na patuloy umaagos, bubuhay sa mga nagsipaglantang pag-asa, babangon at babangon ang mamamayan nang may mas matibay na kapasyahan.
Habang naglalakad ay napadaan si Yingying sa muhon ng kanilang dating lupa, at muling naalala si Janelle, ang babaeng kaagapay nila sa pakikibaka para sa kanilang lupa, kaibigang nagturong bumasa sa magulang, minsan naging kapatid sa pamilya bilang Janelle,  habambuhay niyang kapatid sa pakikibaka bilang Ka Sinag. Umaasa siyang muli silang magkita. Sa unahan ay hinihintay na pala si Yingying ng mga nauna nang kasama.  “Ka Janel, tayo na’t baka mahuli tayo sa pulong masa sa Baryo Pantok” tawag ng comrade nito.  "Ay oo, nandyan na kasama." ang tugon ni Yingying.
Sa baryo Pantok, sinalubong si Yingying ng isang batang babae, balingkinitan, mahaba ang buhok at mapungay ang mata. “Ninang!” ang sigaw ng bata. Nagdali-daling tumungo sa kubo si Yingying. “Musta na ang inaanak ko? Ang laki laki mo na, ang ganda ganda pa, kamukhang kamukha mo ang nanay mo.  Kamusta na kayo ni Lola mo Maya?” habang akap-akap ang bata.
#####

No comments:

Post a Comment