Wednesday, August 22, 2012

Ang unang inagawan ng lupa...


Sa mata ng batas, ang makapangyarihan ay walang sala.
 
Ano kaya ang kahihinatnan
Ng mga hindi  ma "develop"
Bilang tourist spot?
O nalipasan ng ningning
na dati'y magandang tanawin?
Di kaya kahinatnan ay kwentong  
pagmimina, at pagtotroso rin?
Pagkatapos  pakinabangan,
pigain at sairin ang yaman
at mawalang silbi sa bulsa
ng mga  asendero,trapo
at multinasyunal
Aabandunahin ang lugar
na puno ng basura, lason, kawalan
sakit, panganib, dekadenteng kultura,
at iba pang latak.
Na naman mga mamamayan
Ang pipilitin, mapipilitang
harapin o pagtiisan
ang basura, lason, kawalan,
sakit, panganib,
dekadenteng kultura,
at iba pang latak.
At pagbuntungan ng sisi
ng lahat ng ito.
 
Sila na ngayon ang may sala.
 
Ano kaya ang kahihinatnan?
Sa atin  ang  esterong kanal.
Sa dayo  ang  primera  klaseng lupa
At baybay  dagat.
 
Paano ang mga  inagawan ng lupa
sa  ngalan ng pagunlad? 
Paano ang mga  pinangakuan ng trabaho?
At kung mayrooon man
ay ilang panahon lang?(6 months?)
Paano ang niloko at pinaasa
sa huwad na reporm sa lupa
ng gubyerno ng mga asendero?
Paano ang maglulupang walang lupa?  
Saan sila pupunta?
Sa  Maynila? Mag-iiskwat?
Makikituloy  sa  kamag-anak
na iskwater din, nauna lang?
At tawaging iskwater at  tignan
na parang kriminal
ng matapobreng mayaman
At tawaging iskwater at  tignan
ng pagkainis
ng nag-aastang elitista,
pero  pasahero rin ng dyip.
Pagdating sa Maynila
 
Sila  na ngayon ang may  sala.
Ang unang inagawan ng lupa...
 
Paano na ang mahalaga pero di kaaya-aya
mahalaga  pero di naman
kagyat na mapagkakakitaan?
Paano na ang kapakanan
ng mga susunod na salinlahi?
Ang mga mahirap daw
walang pagsaalang alang
sa kinabukasan kaya mahirap
Eh sino ba ang nagbenta
at nagsanla ng kinabukasan
ng bansa mula pa panahon ng Kastila,
Amerikano, Hapon at kasalukuyang panahon?
Hindi naman ang pangkaraniwang tao!
At sino ba ang nagbuwis ng buhay para sa bansa
mula pa panahon ng Kastila,
Amerikano, Hapon at kasalukuyang panahon?
Di ba't ang karaniwang tao!
 
Sila  na ngayon ang may  sala.
Ang mga biktima ng kapalaluan ng ilan.
Ang mga anak ng nagbuwis ng buhay para sa bayan.
 
Sila  na ngayon ang may  sala.
Ang unang inagawan ng lupa...
 
Sa ating panahon
Sa mata ng batas, ang makapangyarihan ay walang sala.