Note: First published in my wordpress blog renminzaitsev.wordpress.com
Paliit ng paliit ang ningas sa karaba, at bago tuluyang mawala ay muling babaligtarin at aalugin ni Ka Lira ang boteng may mitsa at muli, magpapatuloy ng pagsusulat. Tanging mga huni nalang ng iba’t ibang insekto ang maririnig. Tulog na nga ata ang buong baryo, maging ang mga kasama’y kung saan saan na nakaabot sa paglalakbay sa kanilang duyan; abala naman si Ka Lira sa pagsisinop ng datos mula sa mga ikinalat nitong libro ng Ibon facts, mga nagdaang isyu ng diyaryo, pati ang maliit na notbuk na talaan niya ng mga balita mula sa radyo at buhay na karanasan mula sa pakikitalakayan sa masa't kasama. Nais niya kasing bigyan ng pambansang anyo ang mga indibidwal na kahirapang nararanasan nila at bigyang mukha ang teorya’t prinsipyong ituturo bukas. Bukod pa dyan, sadyang hindi pa siya dinadapuan ng antok; alas -9 pa lang, kung sa bahay nila ay katatapos niya palang siguro maghapunan, pero siyempre malalim na ang alas-9 ng gabi para sa lugar.
Ala-una na ng gabi nang magligpit ng gamit at magkabit ng duyan si Ka Lira. Sinisiksik niya na lang ng mabilis sa kanyang backpack ang kwaderno nang makarinig ng kataka-takang tunog. Hindi ito kakaiba, pero nakapagtatakang marinig sa unahan, sa labas ng bahay. Umuulan kanina at alam niyang walang kasamang natulog sa labas pero may humihilik na tila hinihilang tablon sa labas. Agad nitong hinipan ang karaba, mabilis ngunit tahimik na tinapik tapik ang duyan ni Ka Onyo. Hindi pa ito magising kaya lalu pa nitong niyugyog ang duyan, at nang tamang magsasalita na si Ka Onyo ay agad tinapat ni Ka Lira ang hintuturo sa labing nagsesenyas ng pagtahimik.
“Parang may tao akong narinig sa labas” ang bulong ni Ka Lira.
“Anung narinig mo?” ang usisa ni Ka Onyo.
“Pakinggan mo, kanina may humihilik at may bumabagati… parang may naglalakad… sa harap,” bulong ni Ka Lira.
Agad napakunot ang noo ni Ka Onyo na tila hindi naintindihan ang narinig. At nang makawala na sa pagkamuraw sa tulog ay tahimik at maliksing ginising ang lahat para maghanda. Lumapit sa trangkahan ng kwarto ng may bahay si Ka Onyo para kausapin si Mang Idro habang palabas gamit ang pinto sa may kusina ang tatlo pang kasama.
Dahan dahan, suot ang pusikit ng gabi, naabot din nila ang tuktok ng katabing burol. Sa normal na lakaran ay madalas madulas si Ka Lira, pero hindi ngayon. Bitbit ang tsinelas at sukbit ang baby armalite, bakas sa mukha nito ang kumpyansa at determinasyon na nagsasabing ‘kumando kung kumando, kaya ko ito; para sa bayan,’ pero kasabay nito ay ang mabilis na pagtibok ng puso at panginginig ng tuhod. Posible kaya na may nagmasmasid sa kanila, o di kaya ay may nakatulog na kaaway habang naghihintay sa pag-aagaw ng liwanag at dilim, siyang madalas na hudyat sa pag-atake.
Ilang minuto pa ay nakitang naglalakad paakyat sa burol nilang pinupwestuhan si Ka Onyo at Mang Idro, parehong nakangiti.
Nagbabaan na ang mga kasama kasabay si Mang Idro nang may kaingayan kumpara sa pag-akyat sa burol ilang minuto pa lang ang nakalipas. Dito’y itinuro ni Mang Idro ang baka, oo ang bakang humihilik. Nagtawanan ang lahat.
“Mainam na dry-run, organisado at mabilis ang pagpakat natin” paliwanag ni Ka Onyo sa mga kasamang nasa kusina. May ilan kasing bago matulog ay nag-init muna ng tubig para magkape, mukhang dadaanin na lang sa kwentuhan hanggang magliwanag ang nawalang antok.
Pagkatapos nang kaunti pang pakikipagkwentuhan sa mga kasama at masigurong ligtas ang lugar ay muli, sa ikalawang pagkakataon, nagkabit ng duyan sa gilid ng kubo si Ka Lira- ang balingkinitan, bobcat ang buhok, makinis ang kutis, at higit sa lahat, matiyaga, mabait, at matalinong kasama.
“Tulog na uli tayo mga kasama”
No comments:
Post a Comment