Note: First published in my wordpress blog renminzaitsev.wordpress.com
I
Mag iika-anim na nang umaga, wala paring nagdo-doorbell o kumakatok man lang. Wala namang kapeng nainom si Aling Lolita, pero magdamag siyang gising. Bawat tangkang matulog ay kinauuwian ng mas matinding pagkabalisang di malaman kung saan nagmumula. Bakit nga ba niya naisipang hintayin ang panganay, eh ilang buwan na nga itong hindi umuuwi. Nanaginip siguro siya na isang araw ay may kumatok at ito ay ang panganay na anak; pero wala siyang maalalang ganito. Ang totoo ay madalas siyang managinip ngunit madalas niya rin makalimutan matapos magmadaling bumangon para mag-init ng tubig para sa kape at pampaligo ng dalawa pang estudyante sa High School.
Hindi na kasi sila nagkausap ng maayos ni Tin bago ito umalis.
“Eh ano bang paglilingkod sa mahihirap ang sinasabi mo, yung sa simbahan natin ang daming outreach program para sa mahihirap, SK chairman ka pa dito sa atin. Hindi mo na kailangang magpakalayu-layo, hindi mo kailangang sumama diyan.”
Sasagutin naman ito ng anak na hindi mababago ng simpleng kawang-gawa ang sistemang inuugatan ng kahirapan, at ang gawain sa SK ay paghuhubog para maging tradisyunal na pulitiko”.
“Eh ano, mamumundok ka, papatay ka ng tao para sa paniniwala niyo?” at biglang napahikbi ng iyak si Aling Lolita.
Agad lumapit ang anak at niyakap ito “Nanay naman, hindi naman sa ganoong usapin lang ang rebolusyon. Ang sigurado, hindi ninyo ako ikahihiya, magiging matapat ako sa gawain; para sa bayan Nay, hindi para sa anupaman.”
Ding-dong.
Pinaghalong kaba at tuwa ang nadama ni Aling Lolita nang marinig ang doorbell “sabi ko na nga ba may darating”.
“Sino yan?”
Tatlong magkakasunod na pagdoorbell ang sumagot. Halos mapatid ang tsinelas ni Aling Lolita sa kakamadaling bumaba sa hagdan.
“Eto na… sino ba yan?” ang lumakas na tinig nito habang papalapit sa gate. Naiisip na niya ang gagawin pagbukas sa gate, aakapin ng mahigpit ang panganay, yayayain mag-almusal ng pandesal, at magpapakwento ng buhay nito sa nakaraang mga buwan. Mas namamayani na ang pagkasabik ng isang ina sa anak kaysa mga payo, batikos at paninira ng kura paroko at ng gubyerno gamit ang TV at radyo.
Pagbukas sa trangkahan, ni walang anino ng tao liban sa sobreng nakaipit sa bilog na hawakan ng gate.
To Miss Santos. From Homeowner’s association.
Simangot na pumasok sa bahay si Aling Lolita, humiga at sa wakas ay nakatulog.
No comments:
Post a Comment