Masarap
makalanghap ng preskong hanging umiinog sa mga bukid, parang, kagubatan, kabundukan
at tabing dagat. Ito na ang bagong industriya sa Pilipinas- ang Turismo. Madalas
ikasiya ang pagpunta sa mga sikat na tourist spot. Di magmaliw sa
pagkuha ng litratong gamit ang kung ano mang hi-tech camera. Di mapigilang
ikwento sa kaibigan, ilathala, at ipakita sa mundo gamit ang mga social
networking sites. Sa Pilipinas nariyan
ang Boracay, Puerto Galera, Pagudpud; o sa mas may pera ay Hongkong,
Thailand, Paris, New York, Italy, Tokyo; o isang cruise. Gaano man
kamangha-mangha ang mga ito, di ito ang tutuhog
at pipigil-hininga na lugar na nais kong marating o balikan. Kasing
sigurado ng pagsikat ng araw sa umaga na di ito nakalista sa mga talaan ng
Departamento ng Turismo. Ang pook na binabanggit ko ay di masususkat sa mala-paraisong
puting buhangin sa tabing dagat, wala sa kalidad ng ilog, mga pasilidad at magarang hotel, at mga sikat sa lipunan na
makikita. Walang mga turistang kasabay sa biyahe. Maraming kubo pero walang
aircon o electric fan man sa loob. Ito ay di naiiba sa laksa-laksang baryo sa
atin; hirap at walang pag-unlad na tila napabayan ng panahon at ng mundo.
Komunidad na walang kaparis ang mga nagtatahan, sa kasimplehan ay busilak at
totoo ang pagkatao, araw-araw nagbabanat ng buto nang mairaos sa gutom ang
pamilya.
Masayahin, may simpleng pangarap ngunit
madalas pambihira ang hirap, at makapagpapaluha sa mga tala ang kwento
ng buhay; binabagabag ng gulong likha ng di-pangkaraniwang yaman ng ilan.
Hindi ko maitago
ang saya habang patungo sa looban ng bayang madalas paglagian sa loob ng halos
onseng taon. Dito sa loobang ito una
akong nakapasok at nakaugnay sa masang moog. Ito rin ang huling lugar bago
lisanin ang buhay na makasaysayan at lipos ng kabuluhan at turo ng buhay. Bakit
nga ba nilisan ang ganitong buhay na hinahanap-hanap at binabalikan sa aking
katulugan o pananaginip. Mahaba, at maraming rason pero di ito ang nais kong
paksain sa ngayon.
Kay bagal magpaandar ng drayber, sa wari ko’y pagka ganitong nasasabik ka sa
pupuntahan. Pati ang pagtigil namin bago sumakay ng dyip para bumili ng
miryenda ay makapang-uuyam o
naka-iinis. Nasasabik na nga ako, at di ito matago sa aking mukha. Isa pang
dyip sa bayan at dalawa pang pasahero bago makalarga. Hindi naman ito katagalan
at pumapabor pa nga pag nagpapalipas ng oras ngunit isang suhetibong bagay ang
oras at paghihintay.
Ah ang sentrong
bayan na noon ay nagmamadaling dina-daanan lang. Para bang may iniiwasang
makita o makakita. Subalit ngayon, may
bitbit pang kamera; kinukunan lahat ng
naisin ng walang takot na pag-initan o damputin. At kahit maglaro pa ng basketball o chess sa plaza
nito ay wala na sa akin. Bagamat madalas madali ang pagdaan dito, tila naman
walang pinagkaiba sa aking pagkatanda liban sa pagluma ng mga edipisyo at
munisipyong tanging bago. Kahalintulad nito ang magarang mansyon noong panahon
ng rebolusyon nila Bonifacio. Tignan mo lang ang lumang limang pisong papel at
makikita mo ang pagkakahawig. Nandoon din ang Savemore, LCC, at iba pang tindahang madalas ko lang marinig,
ngunit suki ako nito. Dito kasi madalas
bilhin ang mga suplay namin mula ulo hanggang paa. Kumain kami ng aking asawang
si Sandra sa palengke at nakita pa ang dati naming kasambahay na si Jolina.
Naging kasamabahay namin mula nang kami’y magdesisyong mamalagi sa siyudad(hindi
madisposisyon sa siyudad). May pwesto na pala siya dito na kung tawagin sa Maynila
ay tiyangge. Sari-saring paninda tulad ng t-shirt, pantalon, mga damit
pangbabae, panyo, bandana at iba pa. Nakakatuwa na muling makita ang kaibigan
na maayos ang kalagayan. Una akong nakakita at tumawag sa kanya; mabuti’t agad naman kami nakilala. Kaunting kamustahan
lang at agad pagkatapos kumain ay bumili na kami ni misis ng cake at tinapay para sa may birthday. Muli na kami naglakad patungo
sa kabundukan. Kay daming pamilyar na
mukha at dahil na rin sa katagalan ng
panahon mula ng huling masampot o
magawi sa bayang it ay minabuti ko munang huwag sila batiin. Pagdating sa tambakan
ng motorsiklo na biyaheng pa-Kabundukan, ay agad kong nilapitan ang isang taong
sa pagkaalala ko’y ang pangalan ay Tom. Nakaupo siya sa isang motor habang subo
ang sigarilyong pula. Tinanong ko agad kung dito ba ang parada ng papuntang
Kabundukan. Agad siyang sumagot na di na siya bumibyahe, na tila ako’y
natatandaang suking pasahero ng mga
nakaraan, at itinuro ako sa ibang para-motor. Tinitignan ko ang mata nito kung
makikilala ako pero wala naman akong balak magpamidbid
o magpakilala. Tig-isa kami ng motor ni Sandra.
Bukod kasi sa mas kumportable, ay dalawa pang drayber ang kikita kumpara
kung nag-angkas lang kami sa isa. Lumarga na kami suot ang mga ngiti sa mukha.
Ginawa rin naming ang ganito nang kami’y tumungo sa Compostela ngunit ako
ngayon ang mas sabik at malaki ang tawa sa mukha.
Wala ata akong napansing mga pagbabago liban sa ilang metro
ng semento sa daan na ka-sukat lang ang lapad para sa motorsiklo. Dito rin sa
daang ito una akong pumasok , at sa pagkatanda ko ay wala pang kahit kaunting
semento ang daan noon, pero halos 20
taon nang nakalipas ang nabanggit kong pagdaan. Niyog, talahiban, puno ng
niyog, mahogany, langka, gumyan, dapdap,kawayan, at iba pang punong durable at
hindi, nagbubunga ng prutas at hindi. Tanim na mais, ampalaya, talong,may ilang
mane, at iba pang cash crop. Semento,
lubak, putik, lubak-lubak, putik, tulay, semento, at ni di-pa-ako-nakabilang-ng-sampu
ay muli, lubak ng lupang kailanman di naibabawan ng semento.Ganitong ganito ang
itsura nito nang aming iwan(dito din kasi kami huling dumaan bago mamuhay sa
siyudad), at di ko alam kung matutuwa ba ako o malulungkot.Isang kumplikadong
emosyon na pinagbuhol-buhol ng tuwa ng kapungawan, at kalungkutan ng kawalan ng
pag-unlad ng kalagayan. At papunta pa
lang kami. Habang nalilibang ako sa tanawin at hangin ng Mayo na humahampas sa
mukha ko, at habang lumalalim papasok sa
bulu-bunduking lugar ay humahalo ang kaba sa di masabing kalagayan ngayon ng
lugar. Oo nga at umalis kami dito na lahat ay kaibigan at matitiwalaan; ngunit
ilang taon na nga bang lumipas? Nakasalubong na naman ako ng tiyak na pamilyar na mukha.
Madalas kaming makituloy kay Mang Idro na relatibong maganda at malaki ang
bahay kung ikukumpara sa mga kabaryo nito. Ilan din sa mga taga-baryo na ang mga
anak ay sa bayan nag-aaral ng haiskul. Napakaganda rin ng lokasyon ng bahay ni
Mang Idro na matatagpuan sa talampas, at wala pang 20-metros ay ang bukal na
pinag-iigiban ng tubig ng halos buong sityo. Kumbinasyon ng durableng kahoy at
kawayan ang pagkayari sabahay nito, may terasa sa silangang bahagi, at higit sa
lahat napapaligiran ng punong nagbubunga ng iba’t ibang matatamis at maaasim na
prutas na di mo mapapalamapas daanan lalu’t pag buwan ng Agosto. Tahimik at di
pala-imik ngunit maaasahan sa gawain,maaasahan ng kapwa. Alam kong nakilala nya pa ako batay sa kanyang
titig nang kami’y mapadaan; pero tulad ko, ay nagpasyang hindi makipagbatian o
umiling man lang. Maingat ang drayber ng motor ngunit barumbado ang daan.
Laking pasasalamat ko nalang at hindi gaanong nag-uuulan. Tag-init pa sa
ngayon, paano pa kaya pagsapit ng Hunyo?
Bumaba kami sa sentrong baryo. Nauna ang
sinasakyan kong motorsiklo at sumunod na rin ang ang kay Sandra. Nasabi ko agad
sa sarili na hindi ako malalagalag;tila walang naiba, o mayor na nabago sa
lugar. Dito ang ermita na madalas
tulugan ng mga pasaway na PC, sa tapat
nito ay ang daan patungo kay Tang Pinon- isa sa pinakamarangal na magbubukid na
nakilala ko, sa taas nito ay ang bahay ng dating tresorero. Ngunit ang malaking
bahay na may silong na sing-taas ng tao at may tindahan sa tabi ng ermita ay
wala na. Noon, isa ito sa ilang bahay na gawa sa malalaking tablon ng kahoy. Nagpatayo na raw ng bahay
doon sa bayan makatapos ang bagyo.

Agad akong sinalubong ng binatang si Aying. Maliit pa siya nang huli kong
makita ngunit ngayon ay matangkad pa sa akin. Nakangiting naglalakad at
nagsabing “kaninang umaga pa po ako dito, nanood na rin ako ng gradwesyon ng
elementarya”. “Salamat Aying sa paghintay, pasensiya na” agad na sagot ni
Sandra. “Ang lakas kasi ng ulan sa pinang-galingan namin kaya ngayon lang
nakarating”. “Akin na po ang bitbit niyong bag.”
“Sige okey lang kami, di naman mabigat.”
Pero mapilit si Aying na parang sinasabi
sa kilos na ang tagal ko naghintay, pabitbit ninyo man lang ang back pack nyo. “Hala sige, eto na nga. Salamat.” Naglakad kami sa daang inabot ng bulldozer, paliit ng paliiit hanggang
naging daang-daanan-ng-pababa-at-kalabaw.
At sa makailang liko ay bigla kaming sumuki sa maliiit na daanang-pang-tao.
Mataas na ang araw at patarik na ng patarik ang aming binabagtas ngunit maliksi
pa sa musang si Aying at pahirap na ng pahirap ang pagi-agapay dito. Habang
naglalakad ay tila di ramdam ang pagod at tuloy-tuloy pa ang kwento nito sa mga nakalipas nang
kaganapan sa baryo. At dito na sa sinukiang daan nagsimula ang kalbaryo ng
katawan namin ni Sandra; mga katawang di na angkop sa plastada ng kalupaan dito;
mga katawang namihasa na sa siyudad.
Siguro nang huli kaming madaan dito ay kalahati lang ng kasalukuyan ang kanyang
timbang. Maliksi siya noon maglakad, at
talagang naiiba sa mga babaeng laki at nag-aral sa lungsod na noon ay madalas
makibisita at makisalamuha. Hanga ang marami, masa man o mga katrabaho sa tibay
nitong makisalamuha at makipagsabayan sa mga gawain. Siya nga raw ay hindi “alagain”
o babaeng kailangan pang alalayan o gabayan ng husto; nabanggit noon ng isang katrabaho’ng beterano
na sa pagkilos at nakamasid ng maraming kasamahan. Umulan din dito siguro
kaninang umaga subalit di di kasinlakas ng ulan sa aming pinang-galingan. Hindi
malapot at madikit kung magputik ang
lupa dito, pero pasalamat parin kami at pareho kaming naka sneakers dahil matagal na rin di napapasabak sa lakaran at malayo
na rin ang pangangatawan namin sa dati. Nagsilbi na ngang tungkod niya ang
payong na baon. Isa, dalawa, sampu, beinte, trenta singkwentang hakbang,
pahinga. Ako man ay nakararamdam na rin ng hapo’ng kahit sa mga gym o orbitrac ay di ko na nararanasan. Gayunpaman,
masarap ang pagkahapo bunga ng pag-akyat
sa bundok. Preskong hanging nalalanghap, awitng makukulay na ibon, tanawing luntian ng
mga puno’t, halaman, talahiban, at baging di maikukumpara sa lungsod. Mapanghamon
na rin sa akin ang plastada ng lupa gaya ng tarik ng mga daan at ako nga ay napaisip at napatanong na
“araw-araw ko ito nilalakad dati?!” at “paano ko ba ito nakayanan noon?” . Palibhasa’y
nasanay nang muli sa buhay siyudad, sa isang palapag na tirahang na wala nang
dapat akyatin. Mapunta man sa mga lugar na kailangang panikin ng hagdan man
lang ay mag- e-escalator o elevator pa. At magbabayad ng napakamahal sa duktor o sa
matatawag na albularyo sa lungsod(o pekeng duktor), o di kaya’y mga slimming pills madalas mula sa Tsina para
lang pumayat at umiwas sa mga sakit na kaakibat ng pamumuo ng taba sa katawan. Isa, dalawa, sampu, beinteng hakbang, pahinga. Papalapit na kami at sa sunod na pag-ahon ay
may dalawang bahay na gawa sa kawayan, ilang retaso ng niyog at bubong na yari
sa dahon ng anahaw na karaniwan sa parteng ito ng bansa. May nakasalubong akong
bata, sa aking pagkawari ay ka-edad lang ng nonoy ko. Pero may sukbit na siyang
itak at may guyod-guyod na kalabaw. Dali-dali
kong binunot sa baywang ko ang digicam
para litratuhan ito. Malugod man siyang nagpakuha ng litrato at nag-pose pa. Balak kong ipakita sa anak ko, ipakita
ang katotohanang magkasalunghat, ng mga bata sa nayon at sa siyudad lalu na ng
mga batang kamag aral niya. Sa sunod na bahay, ay may nagkakasayahan at
nagkakantahan pa nga. Ilang kalalakihan ang nakaupo sa teraso ng bahay at may
isang tumawag sa amin “daan na muna kayo at kumain!” “Salamat!” “Makikiraan
lang po.” Muli’y may makikitang
kakilala, isa sa mga lalaking nag-iinuman ay dating nakasama ko na sa
pangangaso ng mga paniki, bugkon, at iba pang hayop sa gubat. Tanong ko kay
Aying, “sino nga pala yung maputing lalaking madalas mangaso ng mga langgam sa
gubat?” “Ah si Napoleon. Dinaanan natin kuya” “Oo nga.” “Kamusta na kaya ang
mga yun?” tanong ko sa sarili.
Papalapit na sa bahay nila Aying, patarik na rin ng patarik ang daan. Isa,
dalawa, sampu, at ang pagitan ng hakbang at pahinga ay paikli na ng paikli.
Nagiging mabato na rin at dumidilim ang daan.
Pasukal ng pasukal, pakapal ng pakapal
ang kakahuyan at talahiban, dumadalang na rin ang bahay na nadadaanan.
Nagtatagaktak na ng husto ang pawis sa aming ulo, at basang basa na rin ang
aming mga pang itaas. Kailangang itago muna ang camera sa pouch bag.
Paglalakad na muna ang aasikasuhin. Isa pang bahay ang aming nadaanan ngunit
wala nang tao dito. Mag li-limang taon na raw na walang tumatao dito. Patay na
raw ang babaeng may-bahay, at ang lalaki ay sa mga anak na sa Maynila
nakikituloy. Tanging isang kalabaw na lamang na pinapastol sa kapal ng damuhang
tumubo sa hardin ang naroon. Isa, dalawa, lima, pahinga. Hingal, hangos, pahid
ng panyo sa mukha at katawan. Kayang kaya pa ng isip pero ang tuhod
nagpaparamdam na ng kapagalan. Bigla
kong naalala bukod nga pala sa nagbuhay siyudad kami ay ilang taon na rin ang
tinanda ng aming katawan. Hindi na kami mga bata.
Ilang metro na lang mula sa tuktok ng bundok ay sinalubong kami ni Manong at
binitbit ang natitira pa naming dala. Nagkamustahan ng madali para ipagpatuloy
sa bahay ang mas mahabang kamustahan. Pansin niya ang hapong kahalintulad ng sa
mga taong unang beses makarating sa lugar. Ang sarap makaabot sa tuktok ng taludtod ng mga bundok at burol.
Kitang kita ko ang dinaanan namin, ang mga kabisera ng bayan. Ang kapatagan, at ang bulkang Mayon: tila
nagsusumigaw sa kadakilaan, nanunuyo ang banayad na kurtada at kagandahan mula
sa bista ng aking kinatatayuan. Ng mga nakaraang taon ay tinatanaw ko lang ang
nais kong balikang lugar sa bus, tahimik na naghahangad, tinutulog na lang ang
pangarap abutin; ngayon ay narito na ako
sa mismong bundok na pinagmamasdan mula sa hi-way!
Para akong bumalik sa panahon nung ako’y disiotso anyos pa lang. Ah ang tanawin
mula sa tuktok, pumapawi sa anumang pagod tulad ng malinis na tubig sa batis na
dumadampi sa natuyong lalamunan. Kaya parang alon na nagsalimbayan at banayad na umalon sa aking
isipan ang magagandang gunitang pinamalas sa akin ng lugar.
Ilan pang banayad na lakad-pababa na lang at alam kong may aabutan akong bahay
na may tindahan, gawa sa semento ang ibabang bahagi, at pusog ang mga haligi.
Kilala ko ang buong pamilya ng nakatira doon. Ang pamilya ni Tang Meno, tahimik,
masipag, at maaasahan ng kapwa. Nagulat na lang ako nang makita ko ang bahay na
sira-sira na, isang larawan ng binagyong kalagayan. Kung ihahambing sa mga bahay na nauna kong dinaanan ay hindi
ako magtataka dahil bukas na bukas ang lugar sa hambalos ng hangin mula
silangan. Pero ang pagkakapwesto ng mga bundok dito ay parang kawa na
pumapalibot sa kapantayan sa tuktuk ng mga bundok at ang bahay ni Tang Meno ay
maliligtas sana ng mga pormasyon ng burol na pumapalibot dito. Ilang metro lang
ay isang bahay na gawa sa retaso ng niyog, kawayan at bubong na dahon ng
anahaw. Ito na ang bahay ng pamilya ni Mang Meno. Sa harap nito ay isa pang
bahay na ganun din ang pagkayari ngunit mas maliit. Dito nakatira ang anak ni
Mang Meno na si Jong. Si Jong na di pa marunong magpunas ng sipon sa ilong nang
umalis kami, ngayon ay haligi na rin ng kanyang sariling pamilya na binubuo ng
kanyang asawa at isang lalaking anak. May ilang bata ang sumilip, at isang dalagita ang sumabay kay Aying. “Si
Mey?” tanong ko kay Aying. “Hindi, nagtatrabaho na sa Maynila si Mey, mas
matangkad dyan,” tugon ni Aying. “Si Jenny yan” dugtong ni Aying. “Bisa po Kuya
Rico”, pag-abot ni Jenny sa kamay ko. Ah si Jenny na maliit pero napakasiglang
bata noon, madaling lalapit at makikipag-usap kahit sa mga di kakilala o
kakikita pa lang. Ngunit ngayo’y tila mailap pa sa usa, kabaligtaran ng noon; dalaga na kasi kaya napakamahiyain. Ang mga
dalaga nga naman sa nayon, agad na magtatago sa kwarto o kung saan man pwede na
tila hiyang hiyang magpakita sa dahilang hanggang ngayon ay di ko alam.
Bago pa man umabot sa bakuran nila Manay ay mainit na kaming sinalubong ng
kamustahan at tawanan. Agad nilang
napansin ang pagtaba naming mag-asawa. “Napahingahan kasi,” pauna ni Sandra
“napabayaan sa kusina.” Tugon naman ni Manay na kasabay ng lakas ng
boses at tawa “sagana kasi sa pagkain.” “Kami dito pumapayat, laging kasing
gulay.” “Uy healthy nga yun eh” banggit
ni Sandra. “Namimiss ko na nga kumain ng
ano nga pala tawag dun sa bilog na tinapay na maraming palaman sa ibabaw?” “Pizza?” “Oo yung pitcha.” Tawanan uli.
“Hindi bale at may iba naman kaming dala para sa kaarawan mo, masarap din.”
tugon ni Sandra, “Cake! Happy birthday!”
“Ow salamat, sa tanang buhay ko ngayon lang magbi-birthday na may keyk!” “Salamat.” “Walang anuman.” Agad naming
pinatong ang aming mga gamit sa upuan sa balkon. Tila nagrereklamo at
napapahiyaw ng matinis ang upuang yari sa kawayang sinalsag sa tuwing inuupuan lalo pag
nagkakasabay. Agad na naglabas ng pitsel at baso si Manoy.
Walang pinagbago ang itsura ng bahay nila Manoy liban sa
lumiiit ito. Nawala ang isang tanging kwartong yari sa tabla. Lumiit ngunit
malinis parin. “Halos pinalitan ko na itong mga dingding at bubong ng bahay
pagkabagyo” banggit ni Manoy. Napupuspos na rin ang mga anahaw sa bubong,
marahil ay sa katagalan na rin, at dahil din sa insekto.
Sila Manoy ay kaibigan namin noon pa, noong kami’y nagtatrabaho bilang NGO sa
lugar na ito. Madalas na makikain, makisaing, at magpalipas ng init ng
katanghalian. Minsan pagka ginagabi’y nakikitulog na rin. May kuryente na rin
na madalas sa bumbilya lang ang gamit. Naaalala ko noong nakaraang limang taon
siguro, inimbitahan naming si Manoy kasama si Aying sa Maynila. Bata pa si Aying nun at libang na libang siya sa mga kalsada sa Maynila dahil kung
saan-saan daw lumilitaw, may sa taas, may sa illalim, at magkakapatong na
daan,kalsada at hi-way(overpass,underpass, MRT at mga fly-over). Sa pagbisita nilang yun ay ipinabaon na namin
ang lumang TV pero maayos pa naman at hanggang ngayon nga’y napapakinabangan.
Ngayon lang daw uli binuksan ang TV na may isang istasyon lang ang nasasagap,
bulong ni Aying sa akin. May ilang alagang manok, at isang kalabaw na nakuha
mula sa pag-alaga ng kalabaw na babae ng iba. Isang nakagawian at kalakaran sa
lugar ay nagpapa-alaga ng kalabaw man o
baka na babae ang may sobra, at ang unang bunga nito ay sa nag-alaga, ang pangalawa
naman ay sa may-ari at patuloy ang ganitong siklo hangga’t di pa binabawi ng
may ari. Tanim nila ay mais, ilang makamote, at kapirasong lupa na may ilang
puno ng niyog. Hindi sa kanila ang lupang tinitirakan ng bahay , maging ang
tinataniman nila. Madalas pa rin maki luyo-luyo o bayanihan si Manoy sa
pagtanim. Buo pa naman daw kahit paano ang munting kooperatiba ng mga
magtatanim dito; hindi nga lang kasing sigla ng dati dahil sa takot pag-initan ng mga PC. Simple at disimulado
lang daw dapat ang pagkilos ng mga tao ngayon dahil may Makapili sa lugar.
May apat na anak ang mag-asawa, dalawang
babae at ang pangalawa ay si Aying. Ang panganay sana ay lalaki di ngunit
maagang namatay, ni wala pang isang taon.
Si Aying ay nakapag aral ng hanggang ikaapat na baytang. Bagama’t
marunong na magsulat, magkwenta at magbasa, ay hirap parin ito sa ganitong gawain. Dahil sa hirap ng buhay, at maagang pagtulong sa ama sa gawain sa bukid ay
di na nagpatuloy pa kahit man lang tapusin ang elementerya. Sabi niya nga’y
magsusulat na lang siya sa lupa gamit ang araro at asarol. Si Mey ay nakatapos
ng High School sa tulong ng tiyahin nito na OFW sa Honkong. Kasalukuyang
namamasukang kasambahay sa Maynila. Si
Jennny na lang ang nag-aaral. Tuwing may pasok ay sa tiyuhin nyang nakatira
malapit na sa sentrong bayan sya nakikituloy. Aabutin kasing dalawa hanggang
tatlong oras pa ang paglalakad mula sa bahay hanggang sa paaralan. Habang
bakasyon ay kasama sya ng kanyang nanay sa paglilinis ng bahay, ng bakuran,
pagluto, at maging sa pag asikaso sa mga
hayupan at pananim.
Ang buhay dito ay tila natigil na ng ilang dekada kahit pa bago ko maabot ang
lugar. Wala pa rin naikakabit na tubong magdadala ng tubig kahit man lang sa
bawat kumpol ng kabahayan. Iniigib nila Manoy ang tubig sa bukal na ilan pang
bundok ang layo. Madalas ay binibitbit ni Manoy ang dalawang malaking container
na nakasukbit sa balikat gamit ang kawayan tulad ng sa magtataho. Bukod pa ito
sa isinasakay sa kariton o pababa na hila ng kalabaw. Di biro ang ganitong
kalagayan, lalu pa kung nagkataong may sanggol na araw-araw gagamit ng katsa
bilang lampin pagkat wala naman gumagamit ng disposable diaper dito. Bukod pa ito sa normal na pangangilangan sa
tubig para inumin at pang linis. Natanong ko rin kung kamusta ang presyo ng
produkto nila. Agad na sagot ni Manoy na “mahina, katorse pesos(P14) ang kilo
ng mais.” “Bakit, noong dito pa kami magkano nga pala?” “Disiotso pesos(P18).
Imbis na tumaas lalo pang bumaba, eh ang pamasahe nga para mabenta ang produkto
patuloy din ang pagtaas. Piso ang kada kilo, kaya kung may singkwenta kilo ka
na mais na dadalhin sa negosyante sa bayan ay singkwenta pesos na agad ang
mababawas. May resikada pa.” ” Eh pamasahe mo pa” tugon ko. “Ah di na Rico”
tugon ni Manay. “”Pinapakidala na lang namin sa para-motor na kakilala.”
“”Bihira na kami mag pa-bayan. Buti noong nakakapasok pa ang dyip ni Manding
kahit hanggang sa Agus man lang.” kwento ni Manoy. “Oo nga, mas mura sana ang
pamasahe pag sa dyip,” dugtong ni Manay.
“Saan na si Lian, ba’t di nyo sinama,” tanong ni Manoy. “Sumilip nga ako nang
paakyat na kayo at kakargahin ko sana.” “Naku,, ang lakas ng ulan sa inalisan
namin, mahihirapan yun dito, at ang taba na,” tugon ni Sandra. “Kahit ako, di
ko na kayang kargahin yun pag nagsabing pagod na siya,” wika ni Rico. “Eto nga
pala.” Nilabas ni Sandra ang tablet pc mula sa bag. “Eto binidyo ko si Lian,
may sasabihin sa iyo Manay.” “Hello
po, Kamusta po kayo lahat? Happy Birthda
Tita!” “Naku, ang laki na ni Lian, manang mana sa ama.” “Ate Sandra, anong
tawag dyan? Computer ba yan o cellphone na malaki?” tanong ni Jenny.
“Tipo siya ng computer, tablet pc ang tawag sa kanya. Di mo na
kailangan ng keyboard, puro sa screen na lang ang pag-operate.” “May mga internet shop na ba dito?” usisa ni Sandra. “Oo, sa sentrong bayan
marami” sagot ni Manay.” “Ang meron lang dito cellphone at bidyu singko! Dyan kay Kapitan, kantahan lalu pag
lasing na, hehe” dugtong ni Manoy. “Umiinom ka ba?” tanong ni Rico. “Hindi e.”
“Mas okey yun, walang bisyo, kaso di ka rin naka kakanta ano?” dugtong ni Rico.
“Naku yan si Manoy mo di mo mapainom o mapakanta dyan, ibibili nya na lang daw
ng bigas ang pera. At ayaw din nyan dahil pag na lasing hindi na magigising ng
maaga, pag nagkaganun sira na buong araw ni Manoy mo. Sanay yan na maaga
magsimula ng trabaho.” “Umiinom naman ako kung minsan” sagot ni Manoy. “Diyata”
pakutya ni Manay na habang tumatawa.
Nakailang i-phone at i-pod na ang inilabas, may i-pad pa. Digital at isang click na
nga lang raw ang mundo. Pero dito, mangilan- ilang bidyu singko, at TV parin
ang teknolohiya(at walang cable TV).
Maswerte na nga at may ilan din nakabitan ng kuryente at nagkaroon ng
cellphone. Madalas makitext o makitawag ang
mga kapitbahay kay Manay kung may nais iparating sa kamag-anak sa malayo.
Minsan binabayaran na lang ang load.
Nabigyan ni Mey, ang panganay ni Manay, ng celllphone
ito ng huling umuwi ng nakaraang pyesta. Pero di na kailangang tumingin pa sa
mga gadget na wala para makita ang
abang-kalagayan. Maging ang pag tatanim ay napaka atrasado. Nabasa ko nga ang
isang kwento ni Macario Pineda na binatay sa komunidad ng sakahan noong mga
taong 1900-1910. Kalabaw, araro at asarol ang gamit, at mahigit isang daang
taon na ang nakalipas ay kalabaw, araro, at asarol parin ang gamit dito. Pahina
ng pahina ang bunga ng lupa dahil sa mga kemikal at lason na sinusubo ng mga
kumpanya ng abono at pestisidyo tulad ng Monsanto sa mga magsasaka.
Napag-iwanan na nga ng panahon, napabayaan na ng lipunan, ilang reporma sa lupa
na ang nagdaan. Pinalala pa ito ng mga usurer at negosyante sa agrikultura.
Bakit kaya nagagawan ng paraan ang maraming bagay na mahalaga sa negosyo ng
kung sinong mayaman? Bakit pagka para sa komunidad ng mga magsasaka ay hindi
magawan-gawan ng paraan, kahit pa sa isang siglong nakaraan? Ang daan, ang
tubig, ang gamit sa sakahan, ang kabuhayan, ang eskwelahan, ang kalusugan, ang
lupa? Batayang pangangailangan lang naman at hindi karuwagan o luho ang
minimithi nila.
Nagpatuloy kami sa kwentuhan at kamustahan ng mga tao. Naikwento ni Manoy ang
malungkot na pangyayari kay Tay Pinon. Tatlong taon na mula nang misteryosong
pumanaw ang matanda. Umaga daw ng nasagasaan ng isang van sa isang rough road
sa Barrio Pantas papuntang kabayanan. Nakakagulat ito sa nakakaalam ng lugar at
kalagayan ng mga kalsada doon. “Mayroon bang kayang magpaandar ng mabilis sa
ganung daan par makasagasa?” pabusal na himutok ni Manoy. “Mas malapit pa sa
katotohanan ang matirikan ng sasakyan dahil sa putik at lubak ng kalsada.” Si
Tay Pinon ay kilalang lider-magsasaka na masugid na nakibaka para sa pamamahagi
ng lupa, ginagalang, maaasahan at mapagkakatiwalaan ng kapwa.
Nagmeryenda ang lahat pati ang kapitbahay ng cake, kapeng bigas at pansit na hinaluan ng labuyo. Uy, kay init sa
bibig ngunit masarap. Pagka’t ang sili ang pangpaganang di ka papagsawain kahit
purong langka lang ang gulayin araw-araw. Kulang sa dalawang oras na lang at
palubog na ang araw ng kami’y magpaalam. Agad sinuksukan ni Manay ng isang
plastik ng dinolseng pili.
Nagpasalamat na kami dahil alam naming di pwedeng tumanggi.
Sa daan ay tumigil kami sandali kay Mang Ciano na tumawag sa
amin nung papunta palang kami sa bahay nila Manoy. Ayaw pa sana kaming pauwiiin
at ibibigay raw sa amin ni Sandra sa gabing yun ang kwarto nilang mag-asawa. Natuwa
ako sa alok, ngunit nagpasalamat at nagsabing kailangan talagang makauwi at
naghihintay na sa amin ang aming anak. Nakapagpapataba ng damdaming pinaalala
pa niya ang pagtulong namin noon sa problema niya sa lupa na dahil doon,
hanggang ngayo’y nakikinabang sila sa lupa. Limot ko na nga kung anong kaso ang
tinutukoy niya pero sa taong natulungan ay habang buhay nakatatak sa puso ang
pagtulong na yun.
Karamihan ng mga nakausap ko sa daan ay dating may bahay sa bandang tuktok pa
ng bundok ngunit nagsipag bahay sa may sentrong barangay, kahit pa na ang
lupang sinasaka nila ay sa may mga taludtod ng bundok matatagpuan. May
nakapagsabi sa akin na nagsimula ang paglipat hindi pagkatapos ng bagyo kundi
pagkatapos ng todo todong sakyada, at pang dadahas ng mga PC. Si Mang Leo nga
na nasalubong pa namin sa daan habang bumibili ng gas para sa gasera. Hinanap
daw niya kami noong mga panahong iyon dahil grabe na ang perwisyo ng mga
oprasyon ng mga PC. “Walang sini-sino, kahit makita ka lang na bumibisita sa
tanim ay rebelde na ang trato sa iyo. Kulata sa dibdib agad ang aabutin mo.
Tatanungin ka pa kung bakit nagbahay sa bundok, eh nagpapatuloy daw sa mga
rebelde. Sagot ko naman eh dito ang taniman ko. Kulata na naman, tadyak. Si
Tatang Pinon ninyo, sinukluban ng plastic ang mukha hanggang di makahinga. Ayun
iniwan na lang ang bangkay sa kalsada sa Baryo Pantas.” Wala akong nasabi, wala
akong masabi. “Mag ingat na lang po palagi at wag maglalakad mag-isa lalu kung
gabi” ang tanging natugon ko. Pakiramdam ko’y wala na ako sa katayuang
makatulong at isang hamak na empleyado lang. Biglang kasing pumasok sa isipan
ko na baka nag ko-calls ako noong mga
panahong iyon, nakaupo sa di-aircon na opisina habang minumura ng mga kustomer
na kano. Pinuproblema ko ang pag-habol sa komisyon at sweldo habang sila ay
dinadahas, pinapatay ng mga pasista. Hindi ko maintindihan ang pakiramdam ko ng
mga sandaling yun. Para bang napakawala kong pakialam, at walang saysay ng
buhay. Maging ang bahat pala ni Tang Meno ay pwede pa sanang tirahan pagkabagyo kung hindi winasak ng
delubyong kung tawagin ay pasismo. Ilang linggo rin sa piitan si Mang Meno at
ilan pang kabaryo. Wala lang talagang magawang ebidensya ang mga PC at dahil rin
sa pangangalampag ng mga taong baryo, mga asawa, anak, at kapitbahay sa bawat
upisina ng gubyerno, pulis at istasyon ng radio ay napalaya din nangwalang kaso
matapos ang halos tatlong linggo. Salamat sa pagkakaisa ng komunidad.
Naging mas madali ang paglalakad pababa bagama’t dumidilim na ang daan. Alas
sais pa lang pero halos wala nang tao maging sa sentrong baryo. Sa unahan pa
nito ay may nag-aabang nang motor para ihatid kami sa kabayanan. “Hindi ko
malilimutan ang lugar na ito, hindi ko makaalimutan lahat kayo” sabi ko kay
Manoy. “Basta may pagkakataon ay babalik uli kami. Salamat.” Inabutan namin si
Manong ng ilang daan. “Tanggapin mo na, matagal na naman bago tayo magkita;
nakalimutan naming ibigay kay Manay, pa-bertdey.” “Salamat!” Magkahalong saya
at lungkot ang naramdaman naming mag-asawa sa paglisan. Sa akin ay, sa wakas
nabisita ko na uli ang matagal ko nang kina-katulugan. Bagamat wala akong
nakitang dating katrabaho sa pag bisitang ito. Sampung taon din ang nakalipas,
dala namin ay isang bag lang nang magpasyang mamalagi sa sentrong lungsod. Kay
tagal ko rin dinaan-daanan, pinagmasdan, pinangarap lang ang kabundukang ito
mula sa bus pa Maynila-Bikol. Ang dami kong tanong bago kami pumunta dito. Pinagpapalagay
na mas maayos na ang buhay nila ngayon kumpara nang kami ay madalas pa
pumaroon. Ngunit
ito parin ay di naiiba sa laksa-laksang baryo sa atin; hirap at walang
pag-unlad na tila napabayan ng panahon at ng mundo. Komunidad na walang kaparis
ang mga nagtatahan, sa kasimplehan ay busilak at totoo ang pagkatao, araw-araw
nagbabanat ng buto nang mairaos sa gutom ang pamilya. Masayahin, may simpleng pangarap
ngunit madalas pambihira ang hirap, at
makapagpapaluha sa mga tala ang kwento ng buhay; binabagabag ng gulong likha ng
di-pangkaraniwang yaman ng ilan, ng ganid ng ilan.
Akala ko ay maninibago ako, pero parang nawala lang ako ng ilang linggo.
Hindi pa rin nagmamaliw ang apoy sa paraiso.